Tungkol sa buhay ni Jose Maria Sison

Mga Tanong mula sa Paaralang JMS
Mga Sagot mula kay Jose Maria Sison
Pebrero 12, 2021, 10:30 a.m. Utrecht time

  1. Sa ika-8 ng Pebrero kayo po ay naging 82 taon gulang. Sa inyong edad, ano ang inyong nais makamit o ‘birthday wish’?

JMS: Bilang birthday wish, nais kong paigtingin ng mga rebolusyonaryong pwersa at malawak na masang api ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at demokrasya laban sa imperyalismo ng US at Tsina at mga mapagsamantalang uri ng malalaking komprador, asendero at burukrata kapitalista. Magkamit ng ibayong tagumpay ang sambayanang Pilipino sa kanilang bagong demokratikong rebolusyon.

  1. Sa kabila ng inyong uring pinagmulan na mula sa angkan ng panginoong maylupa, maraming pagkakataon na maaaring talikuran na lamang ang pakikibaka at mamuhay nang marangya o di kaya’y tahakin ang traditional na political career. Bakit mas pinili mo ang maglingkod sa mamamayan at magsakripisyo?

JMS: Walang mas mataas na kabuluhan at misyon sa buhay ng isang tao kundi ang maglingkod sa mamamayan at magsakripisyo para makalaya sila sa kawalan ng hustisya, pang-aapi at pagsasamantala. Kung sinuwerte ang isang tao dahil sa ipinanganak sa pamilyang maykaya at nakapag-aral sa mataas na antas, tungkulin niyang gamitin ang kanyang kakayahan para lumahok sa pakikibaka ng mga inaapi at pinagsasamantalahan at hindi kumampi sa mga nagsasamantala at nang-aapi.

  1. Sa edad po na ninyo, marami na ang nagreretiro na at nagrerelax na lang sa kanilang buhay. Bakit po pinili ninyo na magpatuloy pa rin sa pakikibaka?

JMS: Maswerte ako na hanggang ngayon, kahit sa edad kong ito, relatibong malusog pa ako. Nakakapagsulat at nakakalahok sa mga talakayan para isulong ang rebolusyong Pilipino at proletaryo-sosyalistang rebolusyon sa daigdig. Marami na akong nakasama sa pakikibaka na pumanaw na o naging sakitin. Dapat lamang na gamitin ko ang aking swerte at pagkakataon para mag-ambag pa sa pagsulong ng pakikibaka ng masang api.

  1. Kilala po kayo hindi lamang sa pagiging kadre kundi pagiging kadre de pamilya, maaari po ba kayong magbahagi ng inyong karanasan sa pagbabalanse ng pamilya at pakikibaka? Ano po ang inyong maipapayo sa mga magkasintahan at mag-asawa sa rebolusyonaryong kilusan?

JMS: Mabuting nagkakaintindihan at nagtutulungan ang mga magkasintahan at mag-asawa sa rebolusyonaryong kilusan. Puedeng may balanse sa pagiging kadre de rebolusyon at kadre de pamilya, depende sa gawain at peligro sa pakikibaka. Kung nasa legal na anyo ng pakikibaka ang isang kadre at wala pang batayan at balak na arestuhin o patayin siya ng kaaway, puede pa siyang umuuwi sa tahanan ng pamilya tulad ko magmula 1959 hanggang 1967 noong legal na aktibista pa ako at naghahanap buhay bilang guro.

Nang tinangkang paslangin ako noong Pebrero 1968 sa pamamagitan ng pananaksak, hindi na ako lumalakad na walang sapat na kasama at walang gamit na panlaban. Binalak ko nang mag-underground. Tamang-tama lang na may balak na ang aking kolektiba na itayo muli ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan.

Binalak na rin namin ni Julie na sumunod siya sa akin sa undergound matapos na ipaalaga ang mga anak namin sa ilang kamag-anak. Sa ngayon, malayong mas malakas na ang kilusang rebolusyonaryo kaysa sa panahon namin. May sistema na ng pag-aalaga sa mga bata sa pamamagitan ng mga kasama, kaalyado at mga organisasyon.

  1. Napakarami na po kayong naisulat na libro at artikulo. Tila wala po kayong kapaguran sa pagsusulat ng mga pahayag na may tumpak na posisyon hinggil sa mga isyung napapanahon . Papaano po ninyo namamantini ang talas ng isipan? Bilang manunulat, ano po ang payong maibibigay sa ating mga propagandista?

JMS: Magmula nang hindi ako makauwi sa Pilipinas noong 1988, ang talagang magagawa kong mahusay para sa masang anakpawis at rebolusyon ay ang research, pagsusulat, mga talumpati at panayam. Kinansela ang aking passport noong 1988 para pilitin akong umuwi at para arestuhin at pagkatapos patayin. Bagamat si Cory Aquino ang nagkansela ng aking passport, impormal na nagpaabot sa akin na may masamang balak ng militar laban sa akin.

Bilang manunulat, ang payo ko sa mga kapwa kong manunulat at propagandista na dapat nilang basahin at aralin ang daloy ng balitang lumalabas sa peryodiko at magresearch sa mga libro at iba pang lathalain tungkol sa Pilipinas. Hwag tumigil sa pag-aaral tungkol sa wastong teorya at linyang pampulitika para ilapat sa datos na nakakalap.

Pinakamahalaga sa lahat, laging nakaugnay at nakakausap ang mga kalahok sa mga pakibibaka. Kahit ako ay nasa abroad, nakukunan ko ng impormasyon at mga palagay ang mga kasama at mga kaibigan na dumadalaw sa akin o nakikipagsulatan sa akin. Dapat alerto tayo at maagap sa paglaban sa kaaway at mapatnubayan nang wasto ang masang anakpawis na nais nating pakilusan.

  1. Sa inyong isinulat na ‘Sometimes, the Heart Yearns for Mangoes,’ ano pong klaseng mangga ang inyong tinutukoy dito? Ano pong pagkain ang inyong nami-miss sa Pilipinas? May paborito po ba kayo na ulam?

JMS: Sa tula ko, ang manggang nasa isip at puso ko ay manggang Iloko. Hindi gaanong malaki, sukdulan ang asim kung hilaw at sukdulan ang tamis kung hinog. Ang mga namimiss ko pang pagkain mula sa Pilipinas ay bagnet (chicharong kawali), mga kakaning gawa sa malagkit na matamis at malinamnam, dried sweet manggo at tupig ng Iloko. Ang paborito kong pagkain ay yong malinamnam.

  1. Ang panahon ng pag-iral ng Student Cultural Association of University of the Philippines o SCAUP ay kinatampukan ng matinding red-tagging dahil sa anti-komunistang witchhunt. Ano po ang mga mayor na pagkakapareho at pagkakaiba noong ‘50s at ’60s sa kasalukuyang redtagging sa ilalim ng NTF-ELCAC ni Duterte? Papaano ninyo namobilisa ang libu-libong kabataan para labanan ang Committee on Anti-Filipino Activities sa Kongreso?

JMS: Noong 1959-1961, dapa ang kilusang rebolusyonaryo dahil sa mga pagkakamali sa linya ng liderato ng lumang PKP. Pero matindi pa rin ang anti-communist propaganda ng US sa Cold War at sa pagkalat ng McCarthyism sa Pilipinas. Ang imperyalismong US at mga reaksyonaryong alipures nito sa Pilipinas gustong puksain ang mismong ideolohiya ng Marxismo-Leninism at anumang maging successor, extension o umano’y front ng PKP. Kung gayon, ginawa ang Anti-Subversion Law na nagbabantang parusahan ng kamatayan ang sinumang “mapatunayang” lider ng PKP batay sa sa testimonya lamang ng dalawa katao.

Imbes na natakot kami sa Anti-Subversion Law at sa witchhunt na pinangunahan ng Committee on Anti-Filipino Activities o CAFA, nahamon kaming lumaban at nagbuo kami ng SCAUP para batikusin ang naturang batas at anti-communist witchhunt. Itinaguyod namin ang academic freedom at ang lantarang pag-aaral at pagsunod sa diwa ng rebolusyong Pilpino magmula kay Andres Bonifacio. Puspusan kaming nag-aral ng Marxismo-Leninism at kasaysayan ng sosyalismo. Noong Marso 15, 1961, dinala naming main issue ang academic freedom, nagbuo kami ng united front ng mga samahang estudyate at nakapag-organisa kami ng anti-CAFA rally ng 5,000 estudyante at pinasok namin ang Kongreso para literal na buwagin ang anti-communist hearing.

Ang malaking pagkakaiba ngayon ay malayong mga berdugo o mahilig sa pagpaslang ang mismong presidente, militar at pulis. Sinasabayan nila ang anti-communist propaganda ng red-tagging, mga pagdukot, tortyur at pagpaslang ng mga aktibista tulad sa Oplan Tokhang. Ang mga pasistang berdugo ang mga tunay na terorista. Dagdag dito gumawa pa sila ng Anti-Terrorism Law para madaling mag-redtag, mang-aresto, mamaslang at kunan ng bank accouht at pag-aari ang mga itinuturing na mga komunista, kahit hindi sila kasapi ng Partido Komunista at sila ay mga masang aktibista, mga kritiko at legal na oposisyon sa rehimen ni Duterte.

Dahil sa sukdulang traidor, brutal, korap at singungaling ang rehimeng Duterte, marami ngayong lumalaban sa pamamagitan ng ibat ibang anyo ng pakikibaka at handang sumama sa sandatahang pakikibaka. Imbes na makapanakot ang rehimen, pinipilit nito ang masang Pilipino na lumaban at magsandata. Ganito rin ang nangyari sa panahon ni Marcos, lalong lumaki ang maliit pang mga pwersa ng CPP at NPA dahil sa labis na karahasan at kasakiman ng pasistang diktadura. Dahil sa malayong mas malakas na ngayon ang CPP at NPA sa pambansang saklaw, malakas ang kumpyansa ng masa na lumahok sa digmang bayan.

  1. Naging saksi kayo sa pamamalakad ng bawat rehimeng nagsidaan. Batid po natin na ang bawat pangulo ay punong representante ng bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunan. Sino po sa tingin ninyo ang pinakamasahol na pangulo?

JMS: Si Duterte ang pinakamasahol o pinakamasamang presidente sa kasaysayan ng Pilipinas. Kahit na limang taon pa lang siya sa pagiging presidente, malayong mas maraming tao ang kanyang pinapatay nang walang due process. Higit sa 30,000 ang score ni Duterte sa extrajudicial killing, higit ng 10 ulit sa mga 3000 na pinapatay ni Marcos.

Sa pandarambong naman, malayong mas malaki na ang dinambong ni Duterte kung ihambing sa dinambong ni Marcos sa kanyang unang 5 taon. Garapal na nagnanakaw si Duterte sa national treasury sa pamamagitan ng intelligence at discretionary funds, overpriced supplies para sa militar at pulis at mga fake projects sa infrastructure at pagkuha ng kickback sa mga kontrata ng pag-utang.

  1. Marahil kayo po ang pinakamainit na rebolusyonaryo hanggang sa kasalukuyan dahil sa inyong papel bilang tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at patuloy na paggabay sa loob ng limang dekada. Papaano ninyo sinasalag ang black propaganda ng estado na kayo pa din ang namumuno sa CPP?

JMS: Sa pinal na desisyon ng European Court of Justice na nag-aalis ng pangalan ko sa EU terrorist list noong Disyembre 10, 2009, idineklara na hindi ako ang operational leader ng CPP. Talaga namang imposible na maging operational leader ako dahil sa distansya ng Europa at Pilipinas at dahil sa paglipas ng mahabang panahon magmula pa nakulong ako noong 1977. Pundamental na demokratikong karapatan at kalayaan ko ang magsulat, magsalita at magpahayag ng posisyon tungkol sa anumang isyu.

Nasa bitag ng self-contradiction ang mismong rehimeng Duterte at mga alipures niyang militar. Madalas na sabihin nilang ako ang namumuno pa rin sa CPP at sa kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas at ginagawa akong prinsipal na target ng kanilang propaganda. Pero madalas din sabihin nilang hindi ako ang namumuno dahil matagal na akong umalis sa Pilipinas.

Kantyaw pa nila sa kilusang rebolusyonaryo na pinamumunuan ng lider na hiwalay sa Pilipinas at wala nang nalalaman tungkol sa Pilipinas, laluna sa kilusang rebolusyonaryo. Lagi ko naman sinasabi na nasa Pilipinas ang sentral na pamunuan ng kilusang rebolusyonaryo. Ayaw tanggapin ng mga gagong pasista na matatalino at magagaling ang mga kadreng nasa Pilipinas na namumuno sa paglawak at pagsulong ng kilusang rebolusyonaryo.

  1. Ano ang inyong mensahe sa mga kabataang rebolusyonaryo?

JMS: Ipagpatuloy ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang magtagumpay at puede nang isunod ang sosyalistang rebolusyon. Ganito ang nasa isip namin at naging komitment namin magmula pa sa mga taon ng SCAUP, Kabataang Makabayan, paglawak ng legal na pambansa demokratikong kilusan, Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto at paghahanda sa muling pagtatayo ng PKP at BHB.

Sa nakaraang higit na 50 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka, napakalaki na ang mga tagumpay ng mga proletaryong rebolusyonaryo o komunista sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. May pambansang saklaw at malalim na ang pagkaugat sa masang anakpawis ang mga pwersang rebolusyonaryo: ang mga sangay ng partido, mga yunit ng hukbong bayan at mga katulong nitong armadong pwersa tulad ng milisya at yunit ng pagtatanggol sa sarili, mga rebolusyonaryong organisasyon ng masa, mga alyansa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa higt na 110 larangang gerilya.

Maningning ang hinaharap ng rebolusyong Pilipino. Tiyak na magkakamit ng mas malaki pang mga tagumpay ang kilusang rebolusyonaryo sa dekadang ito dahil sa mabilis ang pagsidhi ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Plipinas gayundin ang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo. Nangagailangan ng mas marami pang kabataang rebolusyonaryo na lumahok sa digmang bayan para gapiin ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyonaryo at ipanalo ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Additional na mga tanong:

  1. Maari ninyo bang ikwento paano naidugtong ni Amado Guerrero ang mga batang rebolusyonaryo sa mga good cadres ng old HMB para mabuo at maitatag ang NPA? Sinu-sino ang mga legendary personalities ng old HMB ang sumapi o nagdefect sa npa bukod kay kumander Dante? Maari po ba kayong magkwento ng mga behind the scenes at anecdotals? mga legend kasi ito na makakainspire sa mga kabataan ala ‘founding of our army’.

JMS: Sa pagtatayo at pagsulong ng Kabataang Makabayan bilang komprehensibong organisasyon ng kabataan, inabot nito ang maraming baryo na dating kinilusan ng HMB. Sa pangangalap ng mga kabataang manggagawa, naging katulong ng KM ang Lapiang Manggawa at mga pederasyon ng unyon. Sa pangangalap naman ng mga kabataang magsasaka, katulong ng KM ang MASAKA na unang lumaganap sa dating base ng HMB.

Bukod kay Ka Dante, si Ka Eddie Layug ay legendary personality ng HMB. Dating regimental commander ng HMB sa panahon ng Hapon at pagkatapos. Lumahok siya sa mga malaki at matagumpay na pagsalakay sa Camp Makabulos at iba pang kampo ng kaaway. Kasama namin ni Ka Dante sa pagsasanay sa mga kadre para palawakin ang saklaw ng BHB sa Central Luson at para magpalawak din sa Isabela at kabuuan ng Cagayan Valley.

Nang dumausdos ang lakas ng HMB sa Tarlac noong mga 1950s, nahuli at nakulong si Ka Eddie. Paglabas niya sa preso, sadyang naging insurance agent para malaya niyang puntahan ang mga baryo at mag-alok ng insurance sa mga public school teacher. Sa gayon, naipagpatuloy niya ang gawaing masa sa napakaraming baryo sa Tarlac. Malaki ang papel niya sa pagtatayo ng baseng masa sa panahon ng HMB at BHB.

Maraming matatandang kadre ng PKP mula pa sa taon ng 1930 ang sumuporta sa Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto ng Partido at sa Kongreso ng Muling Pagtatatag ng Partido. Kasama sina Lucio Pilapil, Max Gutierrez, Cesar Lacarra at marami pang iba. Hindi sapat ang panahon ng talakayan ngayon para ikwento ko ang mga ambag nila sa muling pagtatayo at pag-unlad ng Partido at hukbong bayan.

  1. Ano ang personal assessment ninyo sa GPCR? Ano ang assessment ninyo kay Zhou Enlai? Bakit nakabalik si Deng Xiaoping at mga capitalist roaders at modern revisionists sa kabila ng GPCR? Ano ang assessment ninyo sa paglilitis kay Jiang Qing at sa “gang of four”.

JMS: Mahalaga ang teorya at praktika ni Mao at ng CPC ng tuluy-tuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng GPCR para bakahin ang makabagong rebisyonismo, pigilin ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo. Maliwanag na nanaig ang GPCR sa unang limang taon nito, 1966 hanggang 1971. Sa yugtong ito, lumaganap ang Kilusang Pulang Taliba at mga rebolusyonaryong komite bilang organo ng kapangyariang pampulitika ng uring manggagawa.

Pero naging matagumpay ang kumbinasyon ng Sentrista na pinamumunuan ni Chou Enlai at Kanang pinamumunuan ni Deng Zhaoping sa panghahati sa Kaliwa na nauwi sa paggapi kay Lin Biao at sa kalaunan sa isolasyon ng Shanghai Group of 4 sa ikalawang kalahati ng GPCR mula sa 1972 hanggang 1976. Bagamat bumagsak si Deng sa unang bahagi ng taong 1976, nakapaglunsad siya ng kudeta nang namatay si Mao at tinulungan siya ng mga Sentrista sa pag-aresto sa Shanghai Group of 4.

Inakusahan ng Kanan at Sentrista na ang Kaliwa ang gumawa ng anarkismo at paksyonalismo sa paglaganap ng Kilusang Pulang Taliba at pagsulpot ng Shanghai Commune at mga revolusyonaryong komite. Inakusahan din si Lin Piao sa pagmamadaling pumalit kay Mao at pagbabalak ng kudeta at asesinasyon laban kay Mao. Noong 1972, pagkatapos mamatay si Lin Biao, dumalaw si Nixon sa Tsina. Kasunod nito, umalagwa na ang linyang makipagkasundo sa US para malabanan ang Soviet Union. Lumarga na rin ang mga linya ng estabilisasyon ng Tsina, modernisasyon at kapitalistang reporma sa ekonomiya at pagbubukas sa kapitalistang daigdig. Ipinalagay na pagsasara sa daigdig ang internasyonalismong proletaryo at ang solidaridad na anti-imperyalista.

Ginawa ang paglitis at pagconvict sa Shanghai Group 4 para sila ang kondenahin at panagutin na dahilan umano’y kaguluhan sa GPCR. Naunang itinuring ang GPCR bilang ganap na catastrophe at 100 per cent error ni Mao. Sa alingasngas na ikinalat ng Kanan at Sentrista ang linya na hindi Group of 4 kundi Group of Five (kasama si Mao) ang ibinagsak. Sa 1980 binigyan ng 100 per cent rehabilitation si Liu Shaochi.. Magmula pa 1978 binaklas na ang commune system na tinawag na “feudal socialism” at umalagwa ang linya ng capitalist reforms and opening up to the capitalist world. Mabilis at ganap ang pagpapanumbalik ng kapitalismo hanggang naging main partner ang US at Tsina sa neoliberal na imperyalistang globalisasyon.

  1. Ang PSR ay isa sa mga librong may matinding impact sa bawat henerasyon ng mga aktibista. Gaano po katagal ninyo isinulat ito? Ano ang mga hamon na kinaharap sa pagsulat at sa mismong paglimbag nito? Mayroon po bang partikular na libro na nagkaroon ng kaparehas na ‘life-changing’ effect sa inyo?

JMS: Sinimulan kong sulatin chapter by chapter mula pa sa Sta Rita, Capas, Tarlac bilang aralin ng mga kasapi ng Partido. Ipininal ko ito sa loob ng tatlong buwan, mula Hunyo hanggang Agosto ng 1969 habang ineedit ko rin ang Ang Bayan, sa isang attic sa Baguio City. Dito ako bumwelta nang muntik akong mahuli sa Sta. Rita noong Mayo 1969 pero naka-sidestep ako sa karatig na Baryo Talaga. Habang sinusulat ko ang libro, may mga kasamang nagdadala sa akin ng mga reference material na ginamit ko. Nang natapos kong sulatin ang libro, ilinathala ng Philippine Collegian sa ilalim ng pamagat na Philippine Crisis and Revolution noong huling kwarto ng 1969.

Inilimbag din ng Central Publishing House ng CPP ang PSR noong 1970. Sumunod ang paglimbag ng Ta Kung Pao ng Hongkong. Ito ang unang nagkalat ng libro sa ilalim ng titulong PSR sa Tsina at buong daigdig. Yong Pulang Tala edition ilinathala noong 1972 at inabutan ng martial law ang distribusyon. Pero naikalat pa rin sa underground.

Marami rin akong sinulat na mahalaga at may “life-changing effect”. Ginamit ang mimeographing para isalibro agad ng CPP Central Pubishing House. Kasama na rito ang mga English at Pilipino edition ng Basic Documents of the Communist Party of the Philippines. Sa unang kalahati ng 1969, sinulat ko ang Declaration of the New People’s Army at Basic Rules of the NPA para sa pagtatag ng NPA noong Marso 29, 1969. Sa unang kwarto ng 1970, sinulat ko ang mga artikulo na bumubuo sa aklat na The First Quarter Storm of 1970.###

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.