WritingsMessagesPARANGAL KAY KA ATENG, SISTER CECILIA C. RUIZ

PARANGAL KAY KA ATENG, SISTER CECILIA C. RUIZ

-

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
& Chief Political Consultant, National Democratic Front of the Philippines
Setyembre 5, 2017

At Hacienda Luisita during an International Solidarity Mission in Central Luzon in 2013

Sa ilang nakaraang taon, umabot na sa aking kaalaman ang maraming mabuti at magiting na gawain ni Ka Ateng (Sister Cecilia C. Ruiz) para sa masang inaapi, mahirap at pinagkaitan. Isang karangalan at ikinagagalak ko nang nakadaupangpalad ko, nayakap at nakausap ko siya sa kanyang pagdalaw sa Utrecht, kasama si Ka Aurora Santiago, byuda ng matagal at malapit kong kasama sa pakikibaka na si Ka Willem Geertman, dakilang kadre ng uring proletaryo, rebolusyonaryong bayani at martir ng mga anakpawis ng Pilipinas at buong daigdig.

Magkasama sina Ka Ateng at Ka Au sa mahalagang misyon na naging matagumpay. Sa loob ng isang buwan, pinuntahan nila ang Olanda, Belgium at Italya upang mangalap ng suporta para sa pagtupad ng katarungan sa kaso ng pagpaslang kay Ka Willem at para sa kampanya laban sa pagsasamantala sa mga anakpawis at pandarambong sa likas yaman ng Pilpinas. Bunga ng misyon, naantig ang damdamin ng parlamentong Olandes at itinulak nito ang Dutch embassy sa Manila na magpakita muli ng interes sa kaso ni Ka Willem at inanyayahan pa ang National Union of Peoples Lawyers para makatulong sa kaso at sa usapin ng pandarambong na binaka at pinagsakripisyuhan ni Ka Willem sa matagal na panahon.

Kasiyasiya ang aking pakikipag-usap kay Ka Ateng habang nasa Olanda siya dahil sa mga prinsipyo at mga kasamang nag-uugnay sa amin at dahil na rin sa parehas kaming Genuine Ilocano. Nagbahaginan kami ng impormasyon tungkol sa mga kamag-anakan sa Ilokos. Para sa akin, ang pinakamahalaga sa aming kwentuhan ay naumpisahan kong alamin kung paano siyang umunlad sa pagkapit sa kanyang pananampalataya at sa pagtupad ng paglilingkod sa kapwa tao, laluna sa mga anakpawis. Humahanga ako sa matagal, matyaga at at mabungang pagkilos niya para sa mga inaapi, mahirap at pinagkaitan. Mataas na karangalan ko na inanyayahan akong magbigay ng parangal sa kanya, sa okasyon ng kanyang ika-80 kaarawan. Pulang saludo sa iyo sa 36 taong paglilingkod sa bayan sa Gitnang Luson!

Liban sa hirap ng buhay sa panahon ng World War II, maginhawa ang pagkabata ni Ka Ateng dahil sa pagmamahal at sipag ng kanyang mga magulang. Kinaya nilang papag-aralin siya at mga kapatid niya hanggang sa antas ng kolehiyo. Nag-aral siya sa mga eskwela ng mga Belgian Sisters magmula kindergarten hanggang makatapos sa kolehiyo ng mga guro. Sa gulang na 23, sumapi siya sa Belgian Sisters Congregation, The Missionary Sisters of the Immaculate Heart of Mary. Bilang ICM novice, napag-aralan niya ang mga dokumento ng Vatican II at naakit siyang lumahok sa pagpapanibagong buhay ng Simbahan para umangkop sa modernong daigdig.

Nang naging ganap na madre ng ICM, itinalaga siyang maging guro at naging principal-directress sa ilang eskwela ng ICM. Patuloy ang hamon ng Vatican II. Nagkaroon ng sistematikong programa para gawing mapaglingkod ang mga eskwela sa lipunan. Sa ganon, lumawak ang pananaw ni Ka Ateng sa katotohanan sa labas ng mga pader ng kanyang institusyon. Naghangad siyang magpunta sa hanay ng masa. Subalit nagtatamasa siya ng tiwala at kumpyansa ng kanyang kapwa sister at mga superior at patuloy na binibigyan ng mabibigat na tungkulin. Naging isa siya sa apat na kagawad ng Konseho ng buong ICM Philippine District.

Gayunman, lumarga ang mga bagong ministeryo at apostoladong panlipunan: gawain sa hanay ng mga maralitang lungsod at maralitang nayon sa labas ng mga pader ng ICM. Sa kalaunan, naalarma ang mga sister na nasa loob ng pader at nagsabing nawawalan na ng identidad bilang ICM at mas masahol pa ang ispiritwalidad ng mga nagtratrabaho sa labas. Sabi pa nilang baka pumasok pa sa kumbento ang masamang impluwensya ng mundo. Gayunman, patuloy na namamasid ni Ka Ateng ang milyun-milyong walang tahanan, maysakit at gutom. Nagproklama ng martial law si Marcos. Maalingawngaw ang sigaw ng mga militanteng organisasyon, mga aklasan at mga demonstrasyon sa mga lansangan. Tumitindi ang mga atrosidad ng mga militar.

Dialogue with APECO officials, Aurora province

Hindi pa rin siya natulak na lumabas sa kumbento. Pero nagkataon na siya ang kagawad ng ICM Council na tinalaga para asikasuhin ang mga sister na nagboluntaryong kumilos sa labas o tinalaga sa mga tinaguriang bagong ministeryo. Nang ginampanan ang tungkuling samahan ang mga kasamang madre sa kanilang misyon sa labas ng tradisyonal na apostolado ng ICM, unti-unting nalantad sa kanya ang katotohanan ng mga maralita sa lunsod at sa nayon. Nasaksihan niya ang katotohanan ng karukhaan sa mga lansangan at pook na tinitirahan at pinagtratrabahuan. Siya ay nabahala sa kanyang nakita at naranasan sa labas ng kumbento. Namalayan niyang may mali sa lipunang Pilipino gayundin sa Simbahan na napahiwalay na at naging pasibo sa masaklap na kalagayan ng di mabilang na mahirap.

Binabagabag ng mga tanong sa sarili. Ano ng ibig sabihin ng pagkiling sa mga mahirap sa Pahayag ng Misyon? Ang opsyon bang ito ay dala na ng prayoridad para sa “mahirap sa diwa” sa mga anak ng mga panggitna at mataas na uri ng lipunan na nag-aaral sa mga eskwela ng ICM? Paano naman ang mga anak ng mga mahirap, mga pinagkaitan, mga api, mga pinagsasamantalahan sa mga lungsod at kanayunan ng buong bansa? Tiyak dapat na may kongkretong misyon at pananagutan ang Simbahan sa lipunang mayorya ang mahihirap samantalang ang iilan na mayaman ay lalong yumayaman. Nagiging bulag ba ang Simbahan sa ganitong sitwasyon at bingi sa mga karaingan ng mahihirap?

Nang nakilala niya ang ilang kasapi ng grupong CALAMA na nagtratrabaho sa hanay ng mga manggagawa sa Manila, nalaman niya na hinuhubog nila ang estratehiya ng “diaconal eclesiology” para itayo ang Simbahan ng Mahihirap batay sa mga interdisiplinang prinsipyo sa pamamagitan ng pagbubuo ng grupo na tinaguriang “triple commmunication”, kung saan laging magkaugnay ang teorya at praktika. Nagkainteres tuloy si Ka Ateng sa kung paano nabubuhay ang grupo. Natuklasan niyang tumitira sa mga inupahang apartment sa mga lugar ng mga manggagawa. Nagtratrabaho ng 8 o higit pang oras sa pabrika bilang manggagawa. Bawat kasapi ng CALAMA ay naglilinis sa bahay, naglalaba, namamalengke at nagluluto. Nasaksihan niya ang mga tapat na alagad ng simbahan na nabubuhay alinsunod sa mga panata ng simpleng pamumuhay, walang asawa at masunurin sa Simbahan. Kaiba nito sa estilo ng pamumuhay sa loob ng kumbento.

Nahamon siya ng CALAMA. Hinangad niyang suriin nang mas malalim ang kanyang buhay at linulugar sa lipunan at Simbahan. Sumali siya sa “orientation month” ng CALAMA at tinulungan siyang suriin ang talambuhay niya. Sa sistematikong pagsusuri ng lipunan at simbahan, sa ICM bilang institusyon, sa lugar at papel niya sa proseso ng kaysaysayan, naliwanagan ang mga katanungan niya at napagaan ang kanyang kahinaan at pagkabalisa. Nagbukas ang CALAMA sa kanya ng ilang posibilidad para sa “pagsagawa ng bagong misyon”.

Sa umpisa ng 1979, inimbitahan siya si Bishop Julio X. Labayen, na magtrabaho sa Missionary Volunteers group ng CALAMA sa probinsiya ng Aurora. Tinanggap niya ang imbitasyon. Nag-resign siya bilang council member ng ICM. Pinanindigan niya sa kanyang mga superyor sa ICM na hangad niya ang bagong misyon at kailangan niya ang radikal na pagbabago sa estilo ng pamumuhay. Sumakay ng bus sa Manila at naglakbay nang anim na oras sa paikot-ikot, baku-bako at maalikabok na kalsadang bumabaybay sa kabundukang Sierra Madre hanggang Aurora. Agad siyang nanirahan sa Barangay San Joaquin sa Maria Aurora. Una, umarkila ng maliit na silid sa bahay ng isang matandang mag-asawa (Tatang at Nanang Olpindo). Sinimulan niya ang buhay ng karaniwang residente ng barangay. Umiigib ng tubig inumin at panluto, mula sa isang maliit na bomba ng tubig, naglilinis ng sariling kwarto, nakikipaglaba ng sariling damit sa ibang kababaihan, at nagbabasa o nagsusulat sa tanglaw ng lamparang gaas pagsapit ng dilim.

Paminsan-minsan, nakikisali siya sa gawain ng mga kababaihan sa mga uma, naghahawan ng damo, nangangahoy ng panggatong, o kaya nag-aani ng mani o namimitas ng sitaw na ibebenta sa palengke. Naranasan niya kung ano ang ibig sabihin at pakiramdam ng mabigat na gawain para mabuhay. Di nagtagal naging “anak” siya ng kanyang mga kasambahay, ang matandang mag-asawang Olpindo, a “manang” sa mga kapitbahay (lahat ng may asawang anak ng kanyang Tatang at Nanang at Tiyang sa mga anak nila. Naging kupkop na anak siya ng buong kamag-anakan, nagbabahaginan ng anumang pagkain o damit. Nagkaroon siya ng ukit sa puso nila, isang bago at tunay na TAHANAN. Tinalikuran niya ang komportableng buhay ng isang madre at kaugalian at pribilehiyo nito at sumuong siya upang makipamuhay sa mga magsasaka ng Aurora. Sa gayon nagsimula ang malaking pagbabago sa kanyang pamumuhay.

Meeting with the governor of Aurora province about the murder of Willem Geertman, a Dutch development worker,

Sa misyon ni Ka Ateng sa hanay ng mga mahihirap na magsasaka, kinailangan niya ng maraming lipunang pagsisiyasat noong unang dalawang (2) taon ng dalawampung (20) taong ginugol niya sa Aurora. Ang dalawang taon na ito ay nakatuon sa pagbisita sa malalayong mga barangay na matatagpuan sa sinapupunan ng Bundok Sierra Madre. Kasama ng isang kasamang MIVO, binabaybay nila ang baku-bakong kalsada sakay ng kalesa hanggang kung saan ito makaabot; tinatagos nila ang tatlo hanggang apat na oras ang mga trosohan, kung minsan sa ilalim ng matinding init ng araw, kung minsan sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan, tinatawid ang paikut-ikot na mga ilog at inaakyat ang mga bundok upang maabot ang takdang barangay.

Ang pagtigil nila ng tatlo hanggang apat na araw sa isang barangay, at regular na pabalik-balik hanggang sa ang lahat ng mga pamilya ay nabisita nila, ay nagpalapit sa kanila sa mga tao at nagbigay sa kanila ng natatanging pagkakataon na matarok ang kanilang mga damdamin, pananaw at mga hangarin. Ang praktika na ito ay nagbigay-daan upang makagawa sila ng profile ng buong Baler Valley na nagsilbing basehan para sa mga serbisyo at programa na kailangan ng mga mamamayan, tulad ng kaalamang bumasa’t sumulat at pangkalusugan, at para suportahan silang organisahin ang kanilang mga sarili. Sa kongkreto, nagsimula ang mga programa sa pangkalusugan at kaalamang bumasa’t sumulat noong 1981.

Sinimulan ni Ka Ateng ang pagtuturo sa mga may edad na nasa malalayong barangay sa Baler Valley noong 1981. Matapos ang pagtatrabaho sa bukid, kung saan sumama siya sa mga kababaihan sa pagdadamo at pag-ani, nagkaroon sila ng mga sesyong pag-aaral sa gabi sa liwanag lamang ng mga gaserang lampara. Ang mga kaibigan niyang magsasaka ang nagturo sa kanya ng tiyaga, determinasyon at pag-asa sa pakikibaka para mabuhay at magtanggol. Sa kabilang banda, tinuruan niya naman sila kung paano bumasa at sumulat, paano gumawa ng badyet ng pamilya, mag-kwenta, tumindig para sa kanilang mga karapatan laluna kung sila’y dinadaya ng mga malalaking nagtotroso at kapag dinarahas ng mga militar, na panaka-naka ay sumasalakay sa mga barangay upang tugisin ang mga rebelde ngunit ninanakaw ang kanilang mga baboy, manok at orkidyas at nagdudulot ng takot sa mga kababaihan at bata, at galit sa mga kalalakihan.

Entering the vicinity of APECO centre

Ang profile ng Baler Valley ay nagbigay din sa grupo ni Ka Ateng ng sapat na batayan para makilala ang nasa una at pangalawang linya ng mga lider sa hanay ng kalalakihan, kababaihan at kabataaan na syang tutulong sa pag-oorganisa ng kanilang sariling hanay. Ang pangangailangang mag-organisa at umugnay sa iba pang organisadong grupo ay naging mahalaga para sa mga tao sa baryo. Noong kalagitnaan ng 1985, itinatag ang mga organisasyon ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan at mga katutubo para sa lalawigan ng Aurora. Ang mga pinuno ng mga organisasyong ito ay naharap sa mga hamon sa pagkokonsolida ng kanilang mga myembro at pagpapalawak ng kanilang mga grupo. Nadama nila ang pangangailangan ng pagkakaroon ng pisikal na sentro kung saan nila mapapanatili ang sigasig ng kanilang mga myembro at patuloy na pagbabahagi ng kanilang mga pag-asa at pangarap sa isa’t isa at sa interesadong at prospektibong mga miyembro.

Matapos ang ilang mga konsultasyon, nabuo ang ideya ng isang sentrong pormasyon, kung saan lumalaganap ang diwa ng pagtutulungan. Ang pagbubuo ng programa ay may dalawang tutok: pagbuo ng programa para sa mga pangunahing sektor na saklaw sa pagtatayo ng isang makatarungan at makataong lipunan, at pagbuo ng isang programa para sa mga taong-simbahan na kumikilos sa hanay ng masa na siyang paglilingkuran sa itatayong Simbahan ng Mahirap. Ang sentro ay pinangalanang BATARIS (mula sa mga salitang ‘batarisan’ na tumutukoy sa boluntaryong mga kooperasyon at pagsisikap) at pinasinayaan at binasbasan ito ni Bishop Labayen noong Enero 6, 1987. Binubuo ng mga myembro ng MIVO na nagsilbing unang tauhan ng BATARIS, nagsilbi rin sila bilang mga formators/tagapagsanay at tagapagpatupad ng mga programa, kasama si Ka Ateng bilang Executive Diretor hanggang 1999.

Hindi nagtagal naging target ang BATARIS ng black propaganda: ang mga tauhan at lahat ng taong may kaugnayan dito ay binansagan bilang mga tagasuporta ng NPA – mga subersibo, mga leftist, mga komunistang anti-gobyerno. Sa maraming panahon, naranasan ni Ka Ateng at mga kasamahan niya na paghinalaan, ihiwalay, kawalan ng pakialam at mapaniil na katuusan, hindi lamang mula sa pamahalaan, mula sa mga komunidad, kundi maging sa ilang mga miyembro ng Simbahan. Sa kabila ng lahat ng ito, hinirang siya ng Obispo bilang miyembro ng Infanta Prelature Formation Team na regular na nagtatagal ng pitong araw na seminar (tinawag na YAPAK) para sa layuning Prelature. Mula sa mga karanasang ito lumitaw ang isang mekanismo ng taunang diyalogo sa pagitan ng mga pangunahing sektor at mga taong simbahan na pinamumunuan ng Obispo, na tinawag na DPSTS (Daupang Palad ng Mga Sektor sa Taong Simbahan), at ito ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

Ang paglubog ni Ka Ateng sa mga mahihirap na magsasaka ay isang pintuang nagbukas sa mundo ng kapangitan at pagdaralita ng mga mahirap, isang mundo ng malaking kakulangan at kawalan dahil sa kapabayaan ng pamahalaan maging sa mga pinakabatayang serbisyo nito; isang mundo ng gutom, malnutrisyon, sakit at kamatayan; isang mundo ng kawalan ng katarungan, pang-aapi at pagsasamantala. Para sa kanya, higit pang pinapangit at pinalupit ang mundong ito ng naransan niyang marginalization (pagtulak sa mga laylayan?) ng mga namumuno sa lipunan at maging ng Simbahan.

Sa kabilang banda, ang pagpasok sa pintuan ng Exodus ang nagkundisyon kay Ka Ateng upang matuklasan at maging sensitibo sa mga pag-asa sa hinaharap ng mga mahihirap para sa kanilang mga anak, sa sagradong pagrespeto sa buhay at integridad ng paglikha, ang kanilang di-matitinag na pagkakaisa, ang kanilang lakas upang magprotesta, ang kanilang pagsusumikap sa pag-oorganisa at pagpapalakas ng kanilang mga hanay, ang kanilang mga kagalakan at pagkabalisa kahit habang kanilang ipinagdiriwang ang sariling mga martir. Dito naranasan niya ang pagkawala ng Simbahan bilang institusyon – ngunit hindi ang kawalan ng isang mapagmahal at mapagbigay na Diyos ng kanyang Simbahan!

Noong 2000, matapos ang isang konsultasyon ng mga organisasyong masa sa Gitnang Luzon tungkol sa pagtatayo ng institusyong nakabatay sa kumunidad na tumutugon sa kalamidad, siya ay itinalagang Executive Director ng Alay Bayan Incorporated na nakabase sa Angeles City at nakarehistro sa Security and Exchange Commission. Mula noong 2008, matapos ang walong taon bilang Executive Director ng Alay Bayan Inc. nagtuon si Ka Ateng sa pagiging tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang tao habang patuloy na tumindi ang mga paglabag sa karapatang-tao sa Gitnang Luzon. Bilang isang manggagawa sa karapatang tao at para-legal hanggang sa kasalukuyan, patuloy siyang gumampan ng tungkulin sa pagtatanggol sa mga karapatang tao sa pamamagitan ng pag-oorganisa at paglahok sa Quick Reaction Teams, Fact-Finding and Mercy Missions, at sa pagsubaybay at pagdodokumento ng mga paglabag sa karapatang-tao.

International Conference on Human Rights, Quezon City, 2013

Ang mga gawaing sa karapatang tao at paralegal ay hindi nawawalan ng mga hamon at panganib. Ang paglahok ni Ka Ateng sa gawaing ito ay laging nagpapanatili sa kanyang maging handa anumang oras sa araw, kahit na laktawan pa ang pagtulog o pagkain upang tumugon sa mga apela ng mga biktima, lalo na kapag may buhay na ang nakataya. Tinitiyak niyang bukas ng 24 oras bawat araw ang kanyang cellphone, upang kapag natanggap siyaang isang SOS, siya’y handang ayusin ang isang Quick Reaction Team upang pumunta sa iba’t ibang kampo ng pulis at militar para hanapin ang mga iniulat na nawawala o iligal na inaresto at dinitine. Ang pagsubaybay ng mga kaso sa korte ng mga bilanggong pulitikal ay isa pang mahirap na gawain kung saan sa sistemang umiiral ang impunity, ang hustisya ay madalas na naantala o hindi nakakamit.

Ang kanyang araw-araw na pagkakalantad sa malupit na mga katotohanan ng buhay ng mga mahihirap at walang-depensang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang tao ay nagpalalim sa kanyang pagsusuri sa lipunan. Tinitingnan niya ang mundo hindi na mula sa punto-de-bista ng isang indibidwalista at personal na pagtingin kundi higit pa, mula sa isang istruktural na pananaw.

Ang kanyang komitment sa mga dukha, pinagkaitan at inaapi ay lumalim. Alam niya na ang kanyang paglubog sa hanay ng mga organisadong sektor ay hindi lamang nangangahulugan ng pakikipamuhay sa kanila, kundi pati na rin sa pagkilos sa kanilang hanay upang mapahusay ang kanilang mga kundisyon sa pamumuhay, patuloy na organisahin sila, at upang mapakilos ang kanilang mga hanay para baguhin ang mga di-makatarungang istruktura nang sa gayon, manaig ang tunay na kapayapaan batay sa katarungan.

Maligayang ika-80 kaarawan sa iyo, Ka Ateng!
Maraming salamat sa matagal, maparaan at mabungang paglilingkod sa mahihirap!
Mabuhay pa nang mas mahaba nang makapag-ambag pa nang mas malaki!
Maraming salamat sa iyong mayaman nang pamana !
Dakilang inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ang iyong maningning na paglilingkod sa bayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government

In the course of GRP-NDFP peace negotiations in Norway , Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government.

Jose Maria Sison receives the Southeast Asia WRITE Award

The literary award is considered the most prestigious in Southeast Asia. The awardees are nominated by national writers' organizations

BOOKS BY PROF. JOSE MARIA SISON, 1961-2022

Since 1961, more than 50 books written by Jose Maria Sison have been published in English, Filipino and other languages. The books listed hereunder chronologically are mostly available from libraries of major Philippine, US and West European universities, Popular Bookstore in Manila and NDFP International Information Office in Utrecht, The Netherlands.

Decision on the petition for proscription against the CPP-NPA as terrorist organizations filed by the DOJ on 21 Feb 2018 with the RTC branch...

The Program of the CPP which is also synonymous with “Plan of Action”, can be construed as the respondent organizations’ “purpose for being,” or the very reasons for its establishment. A perusal of the foregoing Program, consisting of lofty ideals readily shows that the CPP-NPA is organized or exists, not for the purpose engaging in terrorism.

Must read

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

You might also likeRELATED
Recommended to you