WritingsArticles & SpeechesPAKIKIISA SA KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS SA IKA-7 KONGRESO...

PAKIKIISA SA KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS SA IKA-7 KONGRESO NITO SA MARSO 18-19

-

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoplers’ Struggle
Marso 17, 2013

Ipinapaabot ng International Coordinating Committee at kabuuan ng International League of Peoples’ Struggle ang taos pusong pagbati at pakikiisa sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa ika-7 Kongreso nito.

Saksi kami sa inyong mga maningning ng tagumpay.  Sumasaludo kami sa inyo.  Ang kongreso ay isang pagkakaton para inyong lagumin ang mga karanasan, hanguin ang mga aral at itakda ang mga tungkulin para ibayong sumulong sa pakikibaka at magkamit ng mas malalaking pang tagumpay.

Batid sa inyong tema ang inyong determinasyon:  Sulong KMP! Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban! Paigtingin ang pambansa demokratikong pakikibaka!  Tumpak ang inyong panawagan at inyo ang aming lubusang pagtangkilik.

Galak kaming malaman na patuloy ninyong  palalawakin  at paiigtingin ang mga militanteng pakikibakang magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Ang pakikibakang ito ay nasa  balangkas ng pangkalahatang balak ng pambansa demokratikong kilusan na palawakin ang kasapian at isulong sa mas mataas na antas ang pambansa at demokratikong pakikibaka.

Marapat na puspusang isulong ang kampanya laban sa CARPER1 at para sa GARB.  Dapat sustenidong ilantad na ang CARPER ay may katangiang maka-panginoong maylupa at dapat labanan ang pagpapatuloy ng monopolyo sa lupa at ng pangangamkam ng lupa sa ilalim nito.  Marapat na magbalangkas ang mga rehiyon at probinsya ng kani-kanilang mga plano para bakahin ang CARPER at mga kaugnay nitong  pakana ng rehimeng US-Aquino.

Patingkarin ang mga mga lokal na pakikibakang magsasaka na higit na maglalantad sa kabulukan ng CARPER.  Sa  Hacienda Luisita, bantayan, ilantad at bakahin natin ang mga pakana ng  rehimeng US-Aquino na linlangin ang mga manggagawang bukid at panatilihin ang kontrol ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa lupa.

Ipagpatuloy ninyo ang  laban sa MRT-7. Tama lamang na buhayin ninyo ang kasong legal at usapin sa lupa.  Maging mapagmatyag dahil sa ang kaso ay nasa antas ng Presidential Agrarian Reform Council na si Aquino (isang garapal na cacique)  ang tagapangulo. Paghusayan ang pagdadala ng  laban para mabilis na  ilantad ang  kabulukan ng CARPER at ng rehimeng US-Aquino.

Dapat ding gabayan at tulungan ang mga pakikibakang magbubukid sa  Hacienda Looc,  Batangas;  sa Isabela kung saan may pangangamkam ng malawak na lupa  para sa proyektong bio-ethanol ; sa kalupaan ng Central Mindanao University sa Mindanao, at iba pang lugar.

Bakahin ang mga lumalawak na plantasyong panluwas ang produkto at pag-aari ng mga korporasyon ng mga dayuhan at malalaking komprador at asendero. Labanan ang pang-aagaw ng mga lupang dapat ariin ng mga maralitang magbubukid.

Pakilusin ang mga magsasaka at mamamayan laban sa malakihan at laganap na pagmimina na pag-aari o nasa kontrol ng mga dayuhan at komprador burukrata.  Pumipinsala ang mga ito sa kalikasan at sa agrikultura, nangangamkam ng lupa, nagbubunsod ng mga landslide at lumalason sa mga ilog at sapa. Sumisira sa posibilidad ng pambansang industriyalisasyon ang pandarambong at pagluluwas sa mga mineral na sangkap. Bakahin din ang walang pakundangang pagtrotrosong panluwas.

Wasto na ginawa ninyong mayor na laban ang pagbawi ng mahigit na P80 bilyong pondo mula sa coco levy. Dapat ibalik ito sa mga magsasaka sa niyugan. Hadlangan ang kasalukuyang rehimen na muli itong nakawin. Ikawing ang kampanya para bawiin ang coco levy funds sa pangkalahatang kampanya para sa tunay na reporma sa lupa. Labanan agad ang pagsasamantala sa mga mga magsasaka sa niyugan, tulad ng resikada, tara, pandaraya sa timbangan, mabababang presyo ng kopra, mabababang sahod ng mga mangaggawang bukid, usura at iba pa.

Sa harap ng matinding krisis ng ekonomiya, kagyat ang pangangailangan na bakahin ang pagsasamantala at pahusayin ang kabuhayan ng masang magbubukid.  Sa balangkas ng minimum na programa ng reporma sa lupa, ipaglaban na taasan ang bahagi ng mga magsasaka sa ani, ang sahod ng mga manggagawang bukid, at ang presyo ng ani. Ipaglaban din ang pagpawi ng usura, pagpigil sa pandaraya ng mga komersyante at pagpapababa sa upa sa makinarya at gastos sa produksyon.

Dahil sa mga patakaran ng reaksyonaryong estado ng mga malaking komprador at asendero tungkol sa pagtrotroso, pagmimina at pagpapalawak ng mga plantasyon, lumulubha ang mga pinsalang dulot ng mga kalamidad, tulad ng mga bagyo at baha. Bukod pa, pabaya, walang sapat at maagap na pagtulong ang estado sa mga biktima ng kalamidad.

Marapat na magpakahusay kayo sa paghahanda at pagmobilisa sa inyong kasapian at mga kaibigang organisasyon sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, saanman mangyari di lamang sa kagyat na pagsaklolo kundi sa mas malawig na proseso ng rehabilitasyon  at rekonstruksyon at pagbaka sa mga sanhing nagpapalubha ng pinsalang dulot ng kalamidad.

Ang masang magbubukid ang pangunahing biktima ng gawang-taong kalamidad na Oplan Bayanihan. Sa kanayunan ginagawa ang mga brutal na kampanya ng pagsupil at paglabag sa mga karapang tao. Nais panatilihin ng estado ang pyudal at malapyudal na sistema ng  pagsasamantala.

Dapat magpakahusay kayo sa  dokumentasyon, paglalantad at pagbaka sa mga kriminal na pananalakay ng estado sa kanayunan. Labanan ang kriminalisasyon ng mga kasong agraryo at ng mga lider-magsasaka.  Higpitan ang inyong ugnay at pakikipagtulungan sa mga organisasyong nagtatanggol ng karapatang tao at mga karapatang demokratiko.

Tumpak ang inyong determinasyon na labanan ang tumitinding interbensyong militar ng US sa Pilipinas. Garapal na gawang imperyalista ang paghihimpil ng pwersang militar, ang madalas na Balikatan military exercises at tuluy-tuloy na pagpasok ng mga sasakyang pandigma ng US. Kaugnay ito ng pagpapanatili sa dominasyong ekonomiko ng US. Nais nitong panatilihin at palakihin pa ang mga plantasyon, minahan at iba pang empresa na pag-aari nito at iba pang mga dayuhan at ng  kasapakat nilang lokal komprador burukrata at panginoong maylupa.

Sa ilalim ng patakaran ng neoliberalismo, sinira ng mga imperyalista at mga papet nila ang kasarinlan at kasapatan natin sa pagkain. Sa malakihang pag-angkat ng bigas, mais at iba pang pagkain sinira ang sarili nating produksyon nito. Pinapalawak pa ang mga plantasyon ng prutas na pang-eksport at produksyon ng bio-fuel sa bansa na sumisira sa lokal na produsyong ng pagkain.  Labanan natin ang imperyalistang pandarambong sa agrikultura, pagkontrol sa binhi ng IRRI, at pagpapalaganap ng iba pang binhi at pananim na minanipula ang hene.

Ipagpatuloy at paigtingin ang paglaban sa mga multilateral na ahensyang imperyalismo, neokolonialismo at neoliberalismo.  Maglunsad ng aksyong protesta laban sa gaganaping  9th WTO ministerial meeting.  Labanan ang mga maniobra ng imperyalismong US sa larangan ng ekonomya at kalakalan sa pamamagitan ng WTO at ang mga bilateral at rehiyunal na kasunduan tulad ng Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA) at ng inihahandang EU-PH economic partnership agreement.

Mainam na kalahok  kayo sa kampanyang pampulitika-edukasyon para sa ika-150 taong kapanganakan ni Andres Bonifacio. Ipagbunyi at ipalaganap ang saligang prinsipyo ng pamabansang kasarinlan at demokratikong karapatan ng mamamayan na magrebolusyon laban sa mga dayuhan at lokal na mapang-api at mapagsamantala. Hanggang ngayon makabuluhan ang mga rebolusyonaryong prinsipyo ni Bonifacio at ng Katipunan.

Pinipilit ng rehimeng US-Aquino na magrebolusyon ang sambayang Pilipino. Sadyang binabara ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng reaksyonaryong gobyerno at Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas dahil ayaw pag-usapan ng una ang pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.

Tinawag na ideolohikal at maka-komunista ang mga repormang ito na makabayan at demokratiko.  Ang iba pang balakid na gawa ng rehimen ay ang pagturing nito sa   The Hague Joint Declaration na dokumento ng perpetwal na hidwaan at pagsasabing wala nang bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.

Sa kasalukuyang halalan, umaasa sa inyo ang Anakpawis party list. Karapatdapat lamang na may pakialam kayo sa mga proseso at isyu na apektado ang mga karapatan at interes ng masang magbubukid.  Bantayan ang pakanang Charter change, ang palubhang korupsyon at  pagpapatindi ng mga pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Harapin ang bawat hamon ng mga imperyalista at lokal na reaksyonaryo at gawin itong pagkakataong patalasin ang inyong pagsusuri, patatagin ang inyong panininidigan, palakasin ang inyong hanay, kumilos nang puspusan at makipagkaisa at makipagtulungan sa lahat ng posibleng pwersa.

Sa tumitinding krisis pampulitika at pang-eknomiya sa ating bansa, laging lilitaw ang mga isyu sa inyong sektor at sa lahat ng sektor.  Kaugnay nito, dapat ring laging pataasin ng antas ng inyong kamalayan, organisayon at pagkilos para sa  pagpapalaya sa masang magbubukid at sa sambayanan.

Maipagmamalaki namin sa ILPS  ang pagiging kasaping organisayon ang KMP.  Maningning ang rekord ng KMP sa anti-imperialista at demokratikong pagkilos sa loob at labas ng Pilipinas. Kapuripuri ang internationasyal na gawain ng ILPS.   Susi ang  papel ng ILPS sa Komisyon No. 6 ng ILPS at sa Asian Peasant Coalition, Pesticide Action Network Asia Pacific,  People’s Coalition on Food Sovereignty at iba pang mayor na organisasyong internasyonal.

Ipagpatuloy ang inyong mahusay na pagkilos sa pagpapaunlad ng internasyonal na pagkakaisa at kooperasyon ng mga magbubukid, laluna sa mga di-maunlad na mga bayan, sa balangkas ng anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka ng lahat ng mamamamayan sa daigdig.

Mabuhay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas!

Isulong ang pakikibaka para sa tunay ng reporma sa lupa!

Labanan ang mga imperyalista at  malalaking komprador at asendero!

Kamtin ang pambansang kasarinlan at demokrasya!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government

In the course of GRP-NDFP peace negotiations in Norway , Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government.

Jose Maria Sison receives the Southeast Asia WRITE Award

The literary award is considered the most prestigious in Southeast Asia. The awardees are nominated by national writers' organizations

BOOKS BY PROF. JOSE MARIA SISON, 1961-2022

Since 1961, more than 50 books written by Jose Maria Sison have been published in English, Filipino and other languages. The books listed hereunder chronologically are mostly available from libraries of major Philippine, US and West European universities, Popular Bookstore in Manila and NDFP International Information Office in Utrecht, The Netherlands.

Decision on the petition for proscription against the CPP-NPA as terrorist organizations filed by the DOJ on 21 Feb 2018 with the RTC branch...

The Program of the CPP which is also synonymous with “Plan of Action”, can be construed as the respondent organizations’ “purpose for being,” or the very reasons for its establishment. A perusal of the foregoing Program, consisting of lofty ideals readily shows that the CPP-NPA is organized or exists, not for the purpose engaging in terrorism.

Must read

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

You might also likeRELATED
Recommended to you