WritingsMessagesPAGBATI SA PAMANTIK-KMU SA IKA-10 KONGRESO NITO

PAGBATI SA PAMANTIK-KMU SA IKA-10 KONGRESO NITO

-

Sa Cabuyao City, Laguna sa Oktubre 12-13, 2017
Ni Prop. Jose Maria Sison, Tagapangulo, Internatinal League of Peoples´ Struggle, Oktubre 12, 2017

Mga kasama at mga kaibigan,

Malugod akong nagpapaabot ng mapaglaya at militanteng pagbati sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa okasyon ng ika-10 Kongreso nito. Nasisiyahan akona bahagi ng inyong programa ang pagdakila sa ika-100 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre.

Kapuri-puri ang mayamang karanasan at mga tagumpay ninyo sa pakikibaka upang ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa, itaguyod ang tunay, militante, at anti-imperyalistang unyonismo, at upang kamtin ang tunay na kalayaan, kasarinlan ng bansa at ganap na demokrasya.

Maipagmamalaki natin lahat na tumutupad ang PAMANTIK-KMU sa mandato nitong maging panrehiyong sentrong unyon ng Timog Katagalugan magmula pa nang itinatag noong Marso 29, 1985. Sa kasalukuyang kongreso, malalagom ninyo ang mga karanasan at makakahalaw kayo ng mga aral upang liwanagin an mga tungkulin at isulong ang pakikibaka sa bago at mas mataas pang antas.

Natitiyak kong maghahalal kayo ng pamunuang makaranasan, may kakayahan at marunong sumandig sa kasapian sa pagpapatupad ng inyong programa. Wasto at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: “Higit pang konsolidahin ang ating hanay! Itakwil ang legalismo, ekonomismo at konserbatismo sa kilusang paggawa! Ilantad at labanan ang pasista at neo-liberal na atake ng rehimeng US-Duterte! Ibayong isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba!”

Dapat tayong magpalakas ng hanay sa pamamagitan ng konsolidasyon at ekspansyon at sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka at malapad na nagkakaisang hanay laban sa papet, malupit, neoliberal at korap na rehimeng US-Duterte at sa buong naghaharing sistema ng malalaking komprador at asendero upang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon tungo sa sosyalismo.

Gamitin ang mga legal na pamamaraan sa pakikibaka, subalit huwag magpakalulong sa legalismo. Ipaglaban ang mga kagyat na pangangailangan sa kabuhayan, tulad ng makatarungang pasahod at regular na empleyo subalit gamitin ang lahat ng pamamaraan sa pampulitikang pakikibaka. Itakwil ang konserbatismo at maging militante, mapanlikha at mapangahas sa pakikibaka.

Nakaharap tayo ngayon sa isang de facto na pasistang diktadura. Walang pakundangan sa paggamit ng karahasan at pananakot sa mga makabayan at demokratikong pwersa. Kontrolado ng rehimen ang tinaguriang super-mayorya sa Kongreso at sa mayorya sa Korte Suprema. Mapanlinlang sa paggamit ng mga huwad na pahayag at mga pangako nang walang intensyong ipatupad. Mabangis sa paggamit ng terorismo ng estado laban sa mahihirap at mga rebolusyonaryo.

Determinado ang rehimeng Duterte na ganapin at pormalisahin ang pasistang diktadura. Nakuha na niya mula sa Korte Suprema ang pagdismiss sa mga plunder case laban kina Gloria Macapagal Arroyo at iba pang kaalyado at ang pagpapatibay ng kanyang proklamasyon ng batas militar (martial law proclamation) sa Mindanao, at magagamit niya ito bilang batayan ng proklamasyon ng batas militar sa buong bansa. Makukuha rin niya sa Kongreso at sa balak na Constitutional Assembly ang ¨pederalistang¨ sistema ng estado bilang sangkalan ng pasistang diktadura.

Nauna sa Constitutional Assembly, nakuha na niya sa Kongreso ang pagpapaliban ng halalan ng mga sangguniang barangay at mga sangguniang kabataan at magkakaroon siya ng pribilehiyong piliin ang mga opisyal ng barangay at kabataan para kontrolin ang ¨ratipikasyon¨ ng bagong konstitusyon. Dagdag pang kontrol sa masa ang Kilusang Pagbabago, Masa Masid at Citizens National Guard.

Muling itinayo ang Inter-Agency Legal Action Group (IALAG) sa anyo ng Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA) para gamitin sa pagpaparatang sa mga kalaban ng rehimen ng gawa-gawang krimen at para pagtakpan ang mga pamamaslang at pandurukot na gawa ng militar at pulis. Palalawakin ang mga pamamaslang na gawa sa ilalim ng Oplan Tokhang at patataasin ang premyo sa ulo ng bawat pinapaslang mula 50 libong piso tungong 100 libong piso.

Sa nakaraang eleksyon, sinabi ni Duterte na itutulak niya ang industrialisasyon para umunlad ang Pilipinas at para hindi na lumabas sa bansa ang mga manggagawa para maghanap ng trabaho. Maya-maya sinabi rin niyang magtatayo ng mga industriya sa isla ng Pilipinas para sa mga dayuhang empresa at papatayin niya ang mga unyonista ng KMU kapag mag-uunyon sila.

Nangako rin si Duterte na ipapatigil niya ang sistemang endo o kontraktwalisasyon na kulang sa anim na buwan. Nang maluklok na siya sa kapangyarihan mas masahol pa sa endo ang gusto niyang ipataw sa uring manggagawa, ang pagpapahaba ng oras o pagpapabigat ng kota sa trabaho.

Ang pangako ng industrialisasyon ay nabulid sa otro pangako sa bulagsak na pagtatayo ng imprastruktura na nakasalalay sa dambuhalang pautang ng Tsina. Lolobo ang pautang na ito dahil sa overpricing ng suplay at pagpasok sa Pilipinas ng mga Tsinong kontratista at manggagawa. Dahil hindi mababayaran ang inaasahang pautang na USD 167 bilyon, itinataya na ng taksil na rehimeng Duterte ang ang ga-trilyong halaga ng depositong langis at gas na nasa ilalim ng West Philippine Sea.

Bilang Chief Political Consultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, nasaksihan ko ang panloloko ni Duterte sa rebolusyonaryong kilusan. Ipinangako ang amnesty at pagpapalaya ng higit na 400 political prisoners noong Mayo 16, 2016 bilang pagtupad sa kasunduang GRP-NDFP Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Wala pang isang buwan, tinalikuran niya ang kanyang pangako at sinabing hindi makakalaya ang mga political prisoner hanggang pagtatapos ng peace negotiations.

Bago pa lang maupo bilang presidente si Duterte, kapansinpansin na ang economic team niya ay masusugid na tagatulak ng neoliberalismo ng Estados Unidos. Kung gayon, ang patakaran sa ekonomiya ni Duterte ay walang ikinaiba sa patakaran ni Aquino na salungat sa pambansang industrialisasyon at sa tunay na reporma sa lupa.

Ang mga bumubuo ng national security team ni Duterte ay mga pusakal na mga maka-imperyalista at anti-komunista. Sinusunod ni Duterte ang payo nilang isabotahe ang usapang pangkapayapaan sa NDFP dahil sa utos ito ng mga amo nilang imperyalista mula sa Washington.

Hindi nakinig si Duterte sa Peoples´s Agenda na iprinisinta ng BAYAN. Gayundin sa paalaala sa kanya na kung gusto niya talaga ang independyenteng patakarang panlabas, dapat baklasin ang mga tratado, kasunduan at kaayusan na nagtatali sa Pilipinas bilang estadong kliyente o sunudsunuran ng US at iba pang imperyalistang bansa. Hindi pala tunay na independyenteng patakaran ang hangad ni Duterte kundi mas marami pa palang imperyalistang amo.

Pansamantalang panlilinlang lamang ang pag-appoint ni Duterte sa ilang makabayan at progresibo sa kanyang Gabinete. Wala siyang interes sa mabisang ugnayan ng Department of Agrarian Reform sa ilalim ni Ka Paeng Mariano sa at sa pangakong repormang agraryo sa pamamagitan ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms. Sa katotohanan, si Duterte ay doble karang kasangkapan ng kapwa niyang oligarko na mang-aagaw ng lupa sa Mindanao, mga may-ari ng plantasyon, trosohan at minahan na pumipinsala sa kabuhayan ng mahinirap at sa kalikasan.

Sa GRP-NDFP peace negotiations, nahalata natin ang pasama na hangad ng rehimeng US-Duterte. Una, tinalikuran ang pangakong amnesty at release ng higit sa 400 political prisoners. Ikalawa, gustong ipauna sa lahat ang pangmatagalang tigil putukan upang kamtin ng GRP ang pagsuko at pasipikasyon ng rebolusyonaryong kilusan. Lumilitaw na walang interes ang rehimen sa mga repormang sosyal, ekonomiko, at pulitikal para lutasin ang mga suliranin na naging dahilan ng gera sibil.

Gayunman, sinubukan pa rin ng GRP at NDFP ang pansamantalang tigil-putukan na umabot sa higit na limang buwan magmula Agosto 2016 hanggang Pebrero 2017. Nakita natin na mula sa umpisa ng pagiging presidente ni Duterte nais na niyang manloko sa kilusang rebolusyonaryo. Ipinagpatuloy ang Oplan Bayanihan ni Aquino hanggang katapusan ng 2016 at sa Enero pa lamang inumpisahan ang Oplan Kapayapaan. Walang tigil ang pag-opensiba ng militar laban sa kilusang rebolusyonaryo sa buong bansa.

Gustong itali ni Duterte ang kilusang rebolusyonaryo sa ceasefire samantalang malaya ang AFP, PNP at paramilitar na sumalakay sa mga pwersang rebolusyonaryo at mga komunidad. Tuwing mag-alburuto si Duterte laban sa NPA, garapal niyang iniuutos ang pambobomba at iba pang opensiba laban sa mga komunidad.

Labis-labis na probokasyon ang ginawa ni Duterte nang magproklama siya ng martial law sa buong Mindanao at iniutos ang pagdurog sa Marawi City. Lumitaw nang maliwanag na NPA at iba pang pwersang rebolusyonaryo ang target ng rehimen sa mas malaking bahagi ng Mindanao. Sina defense secretary Lorenzana at AFP chief of staff Año mismo ang nagsabi na target ang NPA.

Paulit-ulit din ang pagbabanta ni Duterte na magproklama siya ng martial law sa buong bansa. Dito natiyak ng kilusang rebolusyonaryo na walang interes ang rehimeng Duterte sa usapang pangkapayapaan kundi sa militar na pagsupil sa mga rebolusyonaryo at ipa pang salungat sa kanyang rehimen. Nakita rin ng mga pwersang rebolusyonaryo na may balak si Duterte na pagsamahin ang martial law at mga pamamaraan ng Oplan Tokhang at Oplan Dobol Barrel Reload para gumawa ng mga masaker laban sa mga pwersang rebolusyonaryo at sa mga komunidad.

Maling inakala ni Duterte na nasindak na niya ang sambayanang Pilipino sa kanyang pakunwaring war on illegal drugs. Pero dito nangyari ang unang malaking pagkatalo ng rehimen. Hindi nalutas ang problema ng ilegal na droga kundi lumawak pa nga sa tatlo o anim na buwan at kahit sa isang taon na palawig sa kanyang pangako sa paglutas. Lumala ang problema dahil mismong anak ni Duterte ang pinakamalaking drug smuggler at druglord sa Pilipinas. Si Duterte mismo ang numero unong protektor ng malalaking drug lord at numero unong drug addict sa paggamit drogang fentanyl.

Hindi lamang bigo ang pangako ni Duterte na tapusin sa maigsing panahon ang problema sa pamamagitan ng karahasan kundi inilantad pa niya ang sarili bilang tagasulsol at tag-utos ng maramihang pagpaslang sa mga suspetsadong adik at pusher ng droga. Nakilalang sugapang mamamatay-tao si Duterte sa buong daigdig samantalang dumarami pa ang mga drug user mula 1.8 milyon sa panahon ng rehimeng Aquino hanggang 7 milyon sa panahon ni Duterte ayon kay foreign secretary Cayetano.

Ikalawang pagkakamali ni Duterte ang patakarang tanggihan ang negosasyon sa mga grupo ng Maute at Abu Sayyaf na gustong makipag-usap. Pinagpasyahan ni Duterte na basta na lamang bombahin at durugin ang Marawi City sa tulong ng mga tropa ng imperyalistang US. Akala niya gayon masisindak ang Bangsamoro at sambayanang Pilipino at magkaroon na siya ng batayan na magpataw ng martial law sa Pilipinas kailanman niya gusto.

Ikatlong pagkakamali ni Duterte ang tatlong beses na pag-urong sa GRP-NDFP peace negotiations at maliwanag na pagpipilit niyang supilin at tapusin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng lantay na karahasan. Ito ang pinakamalaking pagkakamali ni Duterte. Magkasabay niyang inilulunsad ang tatlong gera. Nagtulak ang mga ito sa lumalagong kilos protesta ng malapad na nagkakaisang hanay.

Hindi magtatagal sa kapangyarihan si Duterte sa kalagayang palubha ang krisis sosyo-ekonomiko, pagbagsak ng empleyo at kita ng mga mamamayan, pabigat ang buwis, pataas ang presyo ng mga bilihin, kasalatan ng mga serbisyong sosyal, papalaking pondo para sa militar at pulis, mga korap na burukrata kapitalista na tulad ni Duterte at mga dayuhang empresa at bangko na laging humuhugot ng supertubo at interes.

Mabilis na ang pagbagsak ng tinagurian ng mga opinion poll survey na pagtitiwala at kasiyahan kay Duterte dahil sa mga patakaran niyang marahas at korap at dahil sa kanyang garapal na pagsisinungaling at pananakot. Makitid na ang kanyang espasyo na magmaneobra dahil sa laging lumulubha ang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Pahirap nang pahirap ang kalagayan ng Pilipinas. Nagbabadya ito ng mas matindi pang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Subalit ito rin ang nag-uudyok sa kanila na ipaglaban ang kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes. Umaasa ang ILPS na bunga ng kongresong ito, ibayong lalakas ang pamunuan at kasapian ng PAMANTIK-KMU para isulong ang pambansa-demokratikong kilusan tungo sa sosyalismo.

Mabuhay ang PAMANTIK-KMU!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong kilusan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government

In the course of GRP-NDFP peace negotiations in Norway , Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government.

Jose Maria Sison receives the Southeast Asia WRITE Award

The literary award is considered the most prestigious in Southeast Asia. The awardees are nominated by national writers' organizations

BOOKS BY PROF. JOSE MARIA SISON, 1961-2022

Since 1961, more than 50 books written by Jose Maria Sison have been published in English, Filipino and other languages. The books listed hereunder chronologically are mostly available from libraries of major Philippine, US and West European universities, Popular Bookstore in Manila and NDFP International Information Office in Utrecht, The Netherlands.

Decision on the petition for proscription against the CPP-NPA as terrorist organizations filed by the DOJ on 21 Feb 2018 with the RTC branch...

The Program of the CPP which is also synonymous with “Plan of Action”, can be construed as the respondent organizations’ “purpose for being,” or the very reasons for its establishment. A perusal of the foregoing Program, consisting of lofty ideals readily shows that the CPP-NPA is organized or exists, not for the purpose engaging in terrorism.

Must read

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

You might also likeRELATED
Recommended to you