Hinggil sa materyalismong istoriko

Mga tanong sa Paaralang JMS Masterclass
Mga sagot ni Prop. Jose Maria Sison

November 22, 2020

  1. Inabot ng 2.3M taon ang primitibong komunal, 6,000 taon naman ang lipunang alipin, 3,000 ang sistemang pyudal, 400 taon pa lang ang kapitalismo, at umiral ng ilan lamang dekada ang sosyalismo Unyong Sobyet (1917 hanggang 1956) at sa Tsina (1949-76) at nagkaroon pa ng modernong rebisyonismo at panunumbalik ng kapitalismo, masasabi natin sa pagsulpot ng mga lipunang may uri ay pinakabata pa ang kapitalismo at sanggol pa lang ang sosyalismo, hindi bat ganito din sa sinauna ang inabot ng sistemang may uri dumaan sa mga negasyon ng negasyon hanggang sa naging mga pangkalahatan at pandaigdigang sistema, ano ang kinabukasan ng pandaigdigang sosyalistang mga rebolusyon? ano ang kasasadlakan ng pagtalas ng tunggalian ng inperyalismo laban sa manggagawa at mamamayan ng daigdig? Ano ang kahahantungan ng paglala ng panadaigdigang krisis ng monopolyo kapitalismo at sa sa pagtalas ng kontradiksyon sa hanay ng imperyalista? Ano ang prospek ng proletaryong rebolusyon sa ganitong pandaigdigang sitwasyon?

JMS: Ang takbo ng kasaysayan bumilis sa paglitaw ng kapitalismo ilang siglo lamang ang nakaraan, magmula ika-12 siglo sa Europa. Sa pagsulpot ng industriyal ng kapitalismo mula sa ikalawang bahagi ng ika -18 siglo, lalong bumilis ang pagsulong ng kapitalismo.

Sa pagsulpot ng monopolyo kapitalismo, lalo pang lumala ang mga krisis ng labis na produksyon sa kapitalismo at ito ay nagluwal ng unang gera mundial at ng unang bansang sosyalista, ang Unyong Sobyet noong 2017.

Sa sumunod na pangkalahatatang krisis noong dekadang 1930 ay nagluwal ng pasismo at isa pang mas mapanirang gera mundial ang monopolyo kapitalismo subalit tumuloy ito sa paglitaw ng ilang bansang sosyalista sampun ang Tsina at kilusang papagpalaya sa mga kontinente ng Asia, Aprika at Amerika Latina.

Sa rurok ng pag-abante ng mga pwersang rebolusyonaryo sa dekadang 1950, sangkatlo ng mga mamamayan ng daigdig ang napalaya at pinamahalaan ng mga partido ng proletaryado. Subalit nagibabawa sa Unyon Sobyet ang makabagong rebisyonismo noong 1956 at nanira sa sosyalismo mula sa loob ng Partido Komunista at sa estadong sosyalista at nagpanumbalik ng kapitalismo.

Magmula noon ay gumuho ang Unyon Sobyet noong 1991 at naging kapitalista ang Rusya at mga bansang dating kapederasyon nito at maging ang Tsina naging kapitalista magmula 1978. Naging tanging superpoder and imperyalistang US magmula 1992. Subalit naging mas mabilis at madalas ang paglubha ng krisis ng monopolyo kapitalismo dahil sa labis-labis na pagsasamantala sa masang anakapawis sa ilalim ng patakarang neoliberal at walang tigil na mga gerang agresyon na inilulunsad ng US.

Magmula ng pandaigdigang crisis pinansyal ng 2008, naging maliwanag ang krisis ng labis na produksyon dahil sa pagpasok ng Tsina at Rusya sa sistemang kapitalista. Ngayon lalong tumindi na ang kontradiksyon ng mga imperyalistang poder, lalo sa pagitan ng US at Tsina na dating mga pangunahing partner sa pagpapairal ng neoliberal na imperyalistang globalisasyon.

Naging labis na mapanganib sa sangkatauhan ang pagpapaunlad ng mga henosidal na sandata sa gera at ang ang pandarambong ng monopolyo kapitalismo sa kalikasan. Ang mga ito ay bunga ng monopolyo kapiyalismo at tunggalian ng mga bansang imperyalista.

Lalong lumubha ang kontradiksyon sa pagitan ng kapital at paggawa sa mga bansang industriyal kapitalista, sa hanay ng mga imperyalistang bansa at sa pagitan ng mga bansang imperyalista at mga alipuris nitong mapagsamantalang uri sa isang banda at sa mga mamamayan ng mga bansang atrasado sa kabilang ban da.. Parang kumukulo ang buong daigidig ngayon.

Bumabalikwas ang mga mamamayan at laganap ang mga pakikibakang anti-imperyalista at demokratiko. Lalo pang pinalubha ng pandemyang Covid-19 ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Tiyak na lalaganap at titindi pa ang mga pagbabalikwas ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Palatandaan at hudyat ito ng muling pag-aalsa ng pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon.

  1. Maari bang ipaliwanag pa ang ebolusyon ng mga binhi ng pyudalismo sa sinapupunan sistemang alipin tulad ng mga ss: coloni, latifundia, benefice, fiefdom. Mayroon bang mga ganito sa Pilipinas bago at panahon ng kolonyalistang Espanyol?

JMS: Sa karanasan ng imperyong Romano, napalawak nang mabilis ang mga latifundia sa paggamit ng mga alipin. Pero sa paglawak ng mga latipundia, mas mahirap kontrolin at imaneho ang mga alipin.

Ang sistemang rasyon para sa kanila ay naging hindi kapakipakinabang sa mga may-ari ng latipundia. May mga aliping tumatakas at nagrerebelde. Lalong naging mahirap ang pagkontrol sa mga alipin nang lumaban sila nang sabay sa paglaban ng mga barbarikong tribung Aleman, Keltiko at Islabiko hanggang gumuho ang imperyong Romano.

Dahil dito, naisipan ng mga amo na mabuti pang gawing serbo ang mga alipin. Primero, nagtakda sila ng lupa para sa mga alipin at iba pang lupa na lilinangin nila para sa amo. Sa paglakas ng Simbahang Katoliko Romano at mga pyudal na estado ng mga dating barbariko, naging pyudal na ang paboritong moda ng produksyon at pagsasamantala sa Europa.

Sa Tsina, sumulpot rin sa sinapupunanan ng sistemang alipin ang sistemang pyudal. Pinalawak ng mga alipin ang mga sinasakang lupa at gumamit ng mga bakal na araro at pamutol ng mga puno at batay sa mga pinalawak na lupa nailatag ang pyudalismo.

Sa mahabang panahon ng sistemang alipin at pyudal, may labanan sa hanay ng mga estado at sa pagitan ng mga magsasaka at mga naghaharing uri. Nagbunga ang mga ito ng serye ng mga naghaharing dinastiya at paglawak ng sakop ng kanilang mga kaharian.

Hindi nakahulagpos sa pyudalismo ang Tsina hanggang dumating ang mga imperyalistang poder para paghatihatian nila at gawing malakolonyal at malapyudal ang Tsina magmula kalagitnaan ng ika-19 hanggang ika-20 na siglo.

Batay sa ebidensyang istoriko ng Pilipinas, may mga sultanatong Islamiko na mala-alipin at malapyudal sa Mindanao at sa pinakamaraming lugar sa kapuluan, sa dalampasigan at pampang ng malalaking ilog, may mga komunidad na malakomunal at malaalipin.

Ang mga pamilyang datu at rajah ang naghari sa mga komunidad na magkakaiba ang lawak.

Sa matataas na lugar ng mga Igorot at Lumad, komunal pa ang sistemang lipunan ng mga tribu. Lalo pang komunal ang sistema ng mga Aeta na angkan ang tipikal na komunidad. Hindi nakayanan ng kolonyalismong Espanol sa sakupin ang matataas na lugar at mga sultanatong Muslim. Pero nakayanan nilang sakupin ang kalakhan ng kapuluan. Dito ipinataw ang pyudalismo.

  1. Ano ang pagkakaiba ng 2 Yugtong Manupaktura at Kalakalan ng 1100s-1400s at 1500s-1700s. At bakit sinsabing primitibong yugto ng kapitalismo ang naunang yugto? Sa primitibong yugto ng manupaktura, sa ika-12 siglo hanggang ika-15 siglo, umiral ang maramihang paggawa sa paggamit ng kamay. Ito ang yugto ng handicrafts (gawang-kamay). Ang buong produkto ay nagagawa ng bawat artesano sa guild o talyer. Halimbawa’y gagawa ang bawat artesano ng buong sapatos.

JMS: Sa susunod na yugto ng manupaktura, sa ika-16 hanggang ika-18 siglo umabante ang hatian sa paggawa ng isang bagay dahil natuklasang mas mabilis na nagagawa ito kapag ang isang mangagawa ay gagawa lamang ng iisang bahagi ng sapatos at iba ang nagtatagpi sa lahat ng bahagi. Umabante rin ang kagamitan sa paggawa ng damit, laluna sa Olanda at Inglaterra.

Mas mataas pang yugto ng industriyal ma manupaktura na sumulpot nang maimbento ang lakas usok (steam power) at mga makina ng maramihang paggawa sa ikalawang bahagi ng ika-18 siglo sa Pransiya at Inglaterra. Ito ang tinawag na Rebolusyong Industriyal na unalagwa sa Inglaterra sa ika-19 na siglo.

  1. Maari bang makapagbigay ng halimbawa ng mga pag-aalsang mga antipyudal at antikolonyal sa Pilipinas na maihahalintulad o kapareho o naimpluwemsiyahan ng Kilusang Repormasyon/ Protestantismo sa loob ng simbahan noon at Age of Enlightenment bago ang rebolusyong KKK ni Bonifacio at pagkakatayo ng PKP 1930. Mahalaga din ito dahil sa noong 1600s na sumusulpot ang burgesya at manggagawa sa sinapupunan ng.pyudalismo ay mararahas ang mga pag-aalsang magsasaka sa Germany at Europe na suportado ng mga lider sa reformation sa loob ng simbahan?

JMS: Higit sa 200 pag-aalsang lokal ang nangyari sa Pilipinas sa iba’t ibang dahilan magmula nang maging kolonya ito ng España. Madalas na dahilan ang pagpapataw ng buwis sa produkto ng mga tao, labis na sapilitang patrabaho at diskriminasyon sa pagkilala na mga kapatirang relihiyoso.

Pero, pinakamalaking paglaban sa kolonyalismong Espanyol na relihiyon ang batayan ay ang isinagawa ng mga Muslim sa Mindanao. Ang sumunod na malaking problema na may katangiang relihiyoso ay ang pagsulpot ng Kilusang Sekularisasyon sa loob ng simbahang Katoliko noong ikalawang bahagi ng siglong ika-19. Layun nitong palitan na ng mga pareng sekular ang mga Kastilang prayle na kabilang sa mga ordeng misyonaryo, tulad ng mga Agustinian, Dominikano at Heswita.

Lumaganap ang pambansang kamalayan sa mga katutubo at sa mga mestizo nang ginarote sina Padre Gomez, Burgos at Zamora dahil sa pagiging lider ng Kilusang Sekularisasyon. Sabi ni Rizal na kung hindi dahil sa pagkamartir ng Gomburza hindi siya naging palaban sa Kastila. Tapat ang kilusang ito sa Simbahang Katoliko Romano. Sinuway lamang nila ang pagmamatigas ng mga prayle na sila pa rin ang tumangan sa mga parokya kahit marami na ang pareng sekular para rito.

Ang tunay na katumbas ng Repormasyon sa Europa ay ang kilusang pinamunuan ni Padre Gregorio Aglipay. Pinapunta siya ng Kastilang Obispo ng Maynila para kumbinsihin ang rebolusyonaryong gobierno na mamayapa. Sa halip, nagpasiya si Aglipay na sumanib sa rebolusyon at siya pa ang naging vicar general ng rebolusyon. At sa takbo ng Rebolusyon, maraming Katolikong pare sa kapuluan, laluna sa Hilaga, ang humiwalay sa Simbahang Katoliko Romano hanggang itayo ang Iglesia Filipina Independiente.

  1. Bakit mapayapang ebolusyon ang nangyaring panunumbalik ng kapitalismo sa modernong rebisyonistang Sobyet Unyon? Bakit hindi humantong sa marahas na panunumbalik ng kapitalismo tulad ng mga nangyaring marahas na agawan ng burgesya at monarkiya noong 1500s sa Inglatera rebolusyon ni Cromwell at mga serye ng Rebolusyon sa Pransya partikular ang 1830-1848 kung saan nakapanumbalik ang monarkiya at muling naibagsak, at naitayo ang Ikalawang Republika ng Pransya?

JMS: Nananatili pang batas na bakal na kailangan ang armadong rebolusyon para ibagsak ang isang mapang-aping naghaharing sistemang lipunan. Subalit sa pagsulpot at pangingibabaw ng makabagong rebisyonismo sa Unyong Sobyet, sinabi na ni Kasamang Mao na hindi kailangan ng armadong rebolusyon para ibalik ang atrasadong lipunan mula sa abanteng lipunan, tulad ng kapitalismo mula sa sosyalismo, sa pamamagitan ng makabagong rebisyonismo at gradwal na mapayapang ebolusyon batay sa dehenerasyon at korupsyon.

Pero sa katotohananan, hindi ganap na walang karahasan sa lubusan at ganap na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa bansang sosyalista. Una, nagmaneobra si Khrushchev para watak-watakin at paglaban-labanin ang mga tapat kay Stalin, sina Molotov, Voroshilov at Malenkov. Pagkatapos, ginawa niya ang coup d’etat para ilaglag ang mga maka-Stalin sa Partido, hukbo at estado.

Ganoon ang nangyari sa Tsina sa kahabaan ng GPCR mula 1966 hanggang 1976 para mangibabaw ang Kaliwa at Gitna sa pamumuno ni Mao. Pero may paliku-liko ang GPCR kung saan nahahati ang nasa Kaliwa at sa huling labanan ng 1976, matapos yumao si Mao, nagsama ang Kanan sa pamumuno ni Deng Xiaoping at mga Sentrista sa pamumuno ni Hwa Guofeng laban sa Kaliwa.

Nagkudeta sila. Hindi lang ang tinawag na Gang ng Apat ang inaresto at ikinulong kundi gasampung libu-libong mga kadre ng Partido. Inalis sa Partido ang mga tapat sa GPCR at kay Mao at nagpasampa sa Partido ng milyun-milyong bagong kasapi na salungat sa GPCR at sumusunod sa linya ni Deng. Sa ilang lugar nagkaroon ng ilang sandatahang labanan. Pero, nangibabaw ang kombinasyon ng Kanan at Sentrista.

  1. Sa transisyon ng mga sistemang panlipunan mula pyudalismo tungo sa kapitalismo, ano ang mga pagkakaiba ng burgesyang manupaktura, burgesyang kalakalan at burgesyang industriyal? Ang mga kaibahan ng mga ito sa burgesya kumprador na nagingibabaw na uri sa mga atrasado, kolonya at malakolonyang lipunan.

JMS: May dalawang tipo ng pag-iwan sa pyudalismo tungong kapitalismo. Unang tipo ang transisyon o paglipat sa industrial na kapitalismo, tulad sa Inglaterra, Estados Unidos at iba pa. Ang uring industriyal kapitalista ang namuno sa proseso ng pagbabago at sinasakyan ito ng merkantil na uring kapitalista at mga naglalatag ng kapitalistang agrikultura.

Ang ikalawang tipo ay tulad ng Pilipinas at iba pang hindi ganap na nakaabante sa yugto ng industriyal na kapitalismo. Sa kaso ng Pilipinas, ang pyudalismo ay sa kabuuan nakalipat na sa malapyudal na sistema sa ilalim ng imperyalismo. Ang namumunong uring kapitalista ay ang malalaking comprador na siyang ahente ng mga imperyalista sa pinansya at pangangalakal.

Nanatili pa rin ang malawak na labi ng tradisyonal na uri ng panginoong maylupa. Malakas pa rin sila sa pulitika sa mga lokaliddad. Pero pinakamalaking kapital ang nakaipon sa kamay ng uring malaking komprador. Ang pinakamalaking mga opisyal ng reaksyonaryong gobyerno ang gumaganap ng papel ng malaking burukrata kapitalista dahil sa kanilang pangangatawan sa interes ng malaking komprador burgesya at pinakamalaking asendero ng Pilipinas.

  1. Sa kontradiksyon ng luma at bagong lipunan, sa batas ng kantitatibong pagbabago may tinatawag na sublation (pananatili ng ng hibla ng lumang lipunan kahit nangingibabaw na ang bago), sa yugto ng sosyalismo, may prinsipyo ng pagtatransporma sa mga mabubuting salik ng kapitalismo para sa sosyalistang rebolusyon, transisyon at konstruksyon, anu-ano ang mga ito?

JMS: Totoo na kahit na inabot ang yugto ng sosyalismo may pananatili pa ng mga labi ng lumang lipunan. Kung gayon, may mga hakbanging transisyonal (transition measures) na kailangang gamitin, laluna kung sa proseso ng rebolusyon may ginawang mga malubhang pinsala ang kaaway sa ekonomiya, pulitika, kultura at iba pang aspeto ng lipunan.

Sa halimbawa ng Rusya, nagkaroon ng New Economic Policy magmula 1922 hanggang 1927 para gumawa ng mga transition measures para buhayin agad ang ekonomiya. Ganoon din sa Tsina sa panahon ng rehabilitasyon at konsolidasyon mula 1949 hanggang 1952.

Bagama’t nasa kamay ng sosyalistang estado ang mga pangunahing industriya, malakihang transportasyon, minahan, malalaking asyenda at ibang estratehikong bahagi ng ekonomiya, binibigyan ng konsesyon ang mga makabayang may-ari ng mga empresa at mangangalakal, mayamang magsasaka at maliliit na empresa, mga manedger sa mga dating empresa at mga puno ng opisina sa bumagsak na gobyerno.

Ipamumudmod ang lupa sa mga magsasakang walang lupa bago umpisahan ang payugtoyugtong pagpapaunlad ng kolektibisasyon. Mayroon pa ring wage differentials sa mga mangagawa. Subalit hindi na makakamkam ng uring kapitalista nang walang limitasyon ang tubo. Ang labis na produkto ng lipunan ay pangunahing pupunta sa pagpapataas ng pasahod, pagpapalawak ng produksyon, serbisyo sosyal, depensa at administrasyon.

Mananatili ang karapatang burgis demokratiko para sa kapakanan ng mga indibidwal at grupo ng panggitnang saray at mga anakpawis subalit hindi sa malalaking komprador, panginoong maylupa, burukrata kapitalista at kontrarbolusyonaryo na dapat alisan ng mga karapatang lumahok sa pulitika, laluna ang karapatang maghalal at mahalal. Ang mga dating karapatang burges-demokratiko ay mapapaloob sa sosyalistang konstitusyon.

  1. Sa pag-unlad ng kaalaman ng tao, paano natin susuriin ang social realism, ito ba ay ideyalismo o materyalismo? Paano ba natin ito dapat tinitignan at gagamitin bilang marxista lalo na sa hanay ng mga cultural workers?

JMS: Ang realismong sosyal (social realism) ni Gorky ay umaayon sa pilosopiya ng diyalektikong materyalismo at sa praktika ng sosyalistang rebolusyon. Payayabungin ito sa hanay ng mga artista, malikhaing manunulat at iba pang kumikilos sa larangan ng kultura.

Dapat naglalarawan ang panitikan at sining sa kalagayan, pangangailangan, pakikibaka at aspirasyon ng mga anakpawis. Dapat maging bayani sa mga paglalarawang ito ang mga mangggawa, magsasaka at mga Pulang mandirigma.Sa pamamagitan ng mga ito, dapat mapataas ang kapasiyahan at diwa ng mga manggagawa at magsasaka na lumaban sa mga kaaway na uri at ibayong ipagtagumpay ang rebolusyon.

Sabi ni Mao na gusto rin niya ang rebolusyonaryong romantisismo. Isama na rin ito sa realismong sosyal bilang pagtutuon sa inspirasyon na panggapi at pananaig sa kahit anong balakid sa tuluy-tuloy na pagsulong ng bagong demokratikong rebolusyon at sosyalistang rebolusyon at konstruksyon hanggang komunismo.

  1. Matapos magtagumpay ang Rusya at China, may mga bansang nagpatuloy sa kanilang pakikibaka. May mga bansang ipinapalagay ang sarili bilang sosyalista gaya ng Cuba, Vietnam at N. Korea. Tama bang sabihin na sila ay sosyalista na o may mas tama bang termino para sa kanila? Ano ba talaga ang kanilang status?

JMS: Dapat respetuhin ang Cuba, Vietnam, DPRK sa pagtawag nila sa sarili nilang bansa bilang sosyalista sapagkat aspirasyon nilang maging sosyalista at may mga elemento ng sosyalismo na taglay nila, tulad ng pagtataguyod ng makauring pamumuno ng uring proletaryado at ng Partido Komunista, programa ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, publikong pag-aari sa mga pangunahing kasangkapan sa produksyon at malawak na serbisyo sosyal.

Kung tingnan natin ang Unang Internasyonal, nakalahok rito ang iba’t ibang tipo ng partido at grupo dahil sa kalagayan. Ngayon dapat pleksible tayo sa pagbibigay ng respeto at pakikipagtulungan sa mga partido at bansang lumalaban sa imperyalismo at nagtataguyod ng pambansang kasarinlan at sosyalismo.

Wala tayong problema sa Cuba, Vietnam at DPRK, kaugnay ng ating pambansang soberanya at integridad ng teritoryo. At wala silang patakaran at praktika na salungat o nakakalito sa hanay ng kilusang rebolusyonaryo ng mamamayang Pilipino.

Bagamat nananatili ang leksyon sa kaysaysayan, natabig na ang dating isyu tungkol sa pagsunod o hindi pagsunod sa rebisyonismo at sosyal imperyalismo ng Unyong Sobyet dahil sa nawala na ito at napatunayan nang patay sa malubhang sakit.

  1. Ang sosyalismo ay isang epokang naglalayong pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon at itransporma tungo sa pagiging pampublikong pag-aari. Kasabay ba nito inaalis natin ang pribadong konsepto ng pamilya?

JMS: Magkasundo ang sosyalistang publikong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pamilyang hindi binuo at pinairal dahil sa konsiderasyon ng pribadong pag-aari ng lupa o anupamang kasangkapan sa produksyon kundi dahil sa pagmamahal, pagtangkilik sa sosyalismo at pagkakaroon ng sapat na ari-arian na pangkonsumo batay sa trabaho.

Sa yugto ng barbarismo ng primitibong kumona, totoong sumulpot ang mga pamilyang nagmamay-ari ng lupa at mga hayop at batay dito lumitaw ang pamilyang nakasentro sa padre de pamilya, pribadong pag-aari ng kasangkapan sa produksyon at sistema ng pribadong pamana. Pero sa panahon ng sosyalismo, maglalaho ang pribadong pag-aari sa kasangkapan sa produksyon at papalitan ng sosyalistang sistema ng ekonomiya, pulitika at kultura ang makasariling ekonomiya, pulitika at kultura ng burgesya.

  1. Walang dudang patutungo sa lipunang walang uri ang mga lipunang nahahati sa mga uri sa pamamagitan ng pinakarebolusyonaryong uri ng proletaryado. Sa panahong ito nalutas na ang kontradiksyon ng tao sa tao. Ano ba ng pinakamayor na maaring sumulpot na kontradiksyon sa panahong nalutas na ang kontradiksyon ng tao sa tao?

JMS: Sa yugto ng komunismo ang mawawala ay mga uring mapagsamantala at mawawala rin ang tunggalian ng mga uri. Hindi mawawala ang tunggalian ng bago at luma sa hanay ng mga tao at tungkol sa kung ano ang tama o maling idea o kalakaran.

Iiral pa rin ang batas ng kontradisyon at ito ang patuloy na motor ng pagbabago at pag-unlad pero wala nang dominasyon ng uri sa uri at bansa sa bansa. Pundamental ang pagbabago sa kalagayan. Ang malayang pag-iisip, debate at pagkakasundo ay para sa kabutihan ng lahat at hindi para sa kabutihan ng naghaharing uri ng minorya.

  1. May pagsasamantala ba sa sosyalismo?

JMS: Wala nang sistematiko at makauring pagsasamantala sa sosyalismo. May pundamental na pagbabago hindi lamang sa ekonomiya at pulitika kundi sa kultura at moralidad. Ang anumang pagsasamantala ay madaling mapapansin, matitigil at malulunasan.

Pero walang garantiya na absolutamenteng mawawala ang mga indibidwal na malisyoso, mapanlinlang, kriminal o sirang ulo. Pero ang antas ng mabuting samahan at kooperasyon ng mga tao ay napakataas at madaling masasaway ang sinumang may masamang ginawa at kung may diperensya sa utak ang isang tao, madali itong dalhin sa klinika ng mga psychiatrist.

  1. Ano ang masasabi mo sa pagkapanalo ni Biden, ng pagkapanalo ng mga progresibo at sosyalista tulad ng Squad na pinagungunahan ni AOC, masasabi bang protest vote laban sa pasismo, militarismo, rasismo at misogyny, etc ang tumalo kay Trump. Makabuluhan ang pagpapatalsik ng mamamayang amerikano kay Trump, masasavi bang tumatalasang kontradiksyon sa pamamagitan burgesyang amerikano laban sa manggagawa at mamamayan nito. Ano ang mga maaring kahahatungan nito, ano ang mga tungkulin ng kilusan sa loob at labas ng bansang US, at sa Pilipinas?

JMS: Natalo si Trump dahil sa kalabisan ng kanyang mga patakaran at aksyon laban sa mga manggagawa, rasismo o diskriminasyon sa mga hindi puti, matsismo laban sa kababaihan at iba pang tao sa USA at laban din sa mga ibang bansa.

Pero si Biden ay kinatawan pa rin ng monopolyong burgesya tulad ni Trump. Ang mga patakaran at aksyon niya ay para pa rin sa mga uring ito. Ikanga, ang pagkakaiba ng Republican at Democratic Party at tulad ng Coca Cola at Pepsi Cola.

May masamang record si Biden sa pagiging imperyalista. Notoryoso siya na tagatulak ng bipartisan support para sa imperialistang gera ng aggresyon tulad sa Afghanistan, Iraq, Syria, Libya, atbp. Kilala rin siya na “law and order” type of leader. Hindi siya malayo kay Obama at Hillary Clinton sa pag-iisip at pagkilos. Kunwari para sa demokrasya pero para sa imperyalismog US.

Sa kabila nito, nagpahayag kung kailan lamang na gagawin niyang mas mabait at mas magaan ang kamay ng kapangyarihan ng US at ipapatupad niya sa mga bansang sinusuporthan ng US, tulad ng Turkiya, Ungariya at Pilipinas, ang mga karapatang tao at demokrasya at ipatigil ang tunguhin na awtoritaryanismo. Hwag maniwala kay Biden hanggang tuparin ang salita niya.

Tingnan natin kung mapipigil niya si Duterte sa pagiging pasistang diktador o sa pagmamanipula ng Comelec automated vote count para gawing presidente si Sara na anak niya. Patunayan ni Biden sa kaso ng Pilipinas na kaya niyang pasundin ang papet ng US na rumespeto sa demokrasya at mga karapatang tao.###

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*


This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.