WritingsArticles & SpeechesHinggil sa malapyudalismo

Hinggil sa malapyudalismo

-

Mga Tanong mula sa Paaralang Jose Maria Sison
Mga Sagot mula kay Jose Maria Sison
Pebrero 8, 2021

MALAPYUDALISMO Alamat o Katotohanan
Jose Maria Sison

Mga katanungan hinggil sa malapyudalismo:

  1. Sa kasalukuyan ay mayroon pa ding mga tumatangkilik sa linya ni Felimon ‘Popoy’ Lagman na kapitalista ang Pilipinas. Ang argumento na ito ay nasa dokumentong ‘Semifeudal alibi for protracted war’ ni Lagman na umatake sa MKMP na pagsusuri. Sa dokumento, sinasabi na hindi daw kinakailangan na malaki ang populasyon ng manggagawa upang tawaging kapitalista, tulad ng sa Russia na 1% lang daw ang populasyon ang mga manggagawa. Ano po ang masasabi ninyo dito?

JMS: Mali si Popoy Lagman at mga sumusunod sa kanya na ipalagay na industriyal na kapitalista na ang Pilipinas para salungatin ang katangian ng lipunan ng Pilipinas bilang malakolonyal at malapyudal at lumihis sa pangkalahatang programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at itaguyod ang insureksyonismo sa kalunsuran.

Totoong kapitalista na ang malapyudal na ekonomiya sa pakahulugan na dominante na ang moda ng kalakalang produksyon o palitan ng kalakal sa pamamagitan ng pera. Pero hindi pa industriyal na kapitalista ang Pilipinas, malapyudal na kapitalista pa. Hindi pa gumagawa ang Pilipinas ng mga basikong metal at kimika at kasangkapang makina. Inaangkat pa ang mga ito, kapalit ng iniluluwas na hilaw na sangkap at malamanupaktura. Sa kabuaan, agraryo pa at pre-industriyal pa ang ekonomiya.

Ang mga naghaharing uri ay mga malaking komprador na kapitalista at mga asendero, hindi pa ang mga industriyal na kapitalista. Ang mga malaking komprador ay mga pangunahing ahente ng dayuhang monopolyo kapitalismo sa pinansiya at kalakakalan. Madalas ding malalaking asendero ang mga malaking komprador dahil pundasyon nila ang produksyon at pagluluwas ng mga produktong agricultural at ibang hilaw na sangkap. Mas presiso ang term na malapyudal kaysa sa mas malawak na term na kapitalista. Ang ekononomiya ng Pilipinas ngayon ay mas kahawig ng ekonomya ng Tsina bago rebolusyon nito kaysa sa Rusya bago rebolusyon nito.

Sa panahon ni Lenin, ang Rusya ay may mga engklabo ng mga industriyal na gumagawa ng bakal, langis, mga traktora, barko at riles bagamat ang mga engklabong ito ay parang mga maliliit na isla sa karagatan ng pyudalismo. Naukausbong na ang industriyal na kapitalismo sa Rusya. Sa populasyon ng Rusya na 125 million noong 1917, mga 26 milyon ang kabilang sa uring manggagawa. Sa konserbatibong bilangan, 15 million ng mga manggagawa ay nagtratrabaho sa mga pabrika, konstruksyon, minahan at riles. Mali ang sabi ni Lagman na 1 percent lamang ang mga industriyal na manggagawa.

  1. Mayroon po ba kayong assessment sa mga pseudo-progressive formations sa Pilipinas, partikular sa mga Trotskyistang organisasyon? Sa kasalukuyan ay pinakamakitid na target ay ang rehimeng US-Duterte. Mayroon bang puwang sa pakikipagalyansa sa mga pormasyong Trotskyista kahit sa taktikal na antas para sa pagpapabagsak sa pinakamakitid na target? o pagsuporta sa mga tulad ng kagrupo ni Popoy Lagman na si Leody DeGuzman noong tumakbo ito sa pagkasenador? o kahit sa pagbira sa neoliberal na atake tulad ng kontraktwalisasyon? Paano ba ang wastong pakikitungo sa mga kontrarebolusyonaryong mga ito?

JMS: Sabi ng mga Trotskyista mismo, may sari-saring paksyon sila. Pag-aralang mabuti ang mga pagkakaiba-iba nila. Habang lumalaban ang anumang grupo na Trotskyista sa rehimeng Duterte, hayaan silang magsalita at kumilos nang ganoon pero maging mapagmatyag tayo at laging handa tayong sumalungat sa anumang maling salita at maling kilos nila. Sa kasalukuyan, napakaaktibo ang mga Trotskyista tulad nina Joseph Scalice, John Malvar, World Socialist Web Site at Fourth International sa pag-atake sa mga tunay na komunista at rebolusyonaryo sa Pilipinas.

May katangian ng mga Trotskyista na umastang ultra-Kaliwa o sobrang rebolusyonaryo para higitan ang mga tunay na komunista. Sasabihin nila na laos na ang pagtingin sa ekonomya ng Pilipinas bilang malapyudal. Industriyal na kapitalista na raw dahil daw sa export-oriented industrialization policy ni Marcos at laluna dahil sa pag-unlad ng global supply chain sa ilalim ng neoliberalismo. Basahin at punahin ang mga sinusulat ng mga Trotskyista tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas, magmula kay Ricardo Reyes, Walden Bello at Popoy Lagman hanggang kay Scalice at Malvar.

Dahil industriyal na kapitalista na raw ang Pilipinas, dapat daw kagyat na sosyalista ang linya ng rebolusyon at huwag nang dumaan sa bagong demokratikong yugto. Pero sabi rin ng mga Trotskyista na hindi puede ang sosyalismo sa isang bansa. Umasa muna raw sa malabong permanenteng rebolusyon ni Trotsky at sa hudyat ng anti-komunistang Fourth International.

Para mang-isa sa tunay na mga komunista at mga tunay na rebolusyonaryo sa Pilipinas, ipinagpupumilit ng mga Trotskyista na naging presidente raw si Duterte dahil sa suporta ng CPP sa kanya sa eleksyon ng 2016. Enabler niya raw ang CPP. At ang alyansa raw sa kanya o peace talks ay pagsurrender sa kanya at pakikiisa sa kanya. May katangian ang mga Trotskyista na mag-intriga sa maling pag-asa na makikinabang sila sa ganoon. Wala sila sa katangian ng mga komunista na wasto at masigasig na nagsasagawa ng mga tungkulin sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon.

  1. Sa librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino, malinaw na nakasaad na ang Simbahang Katoliko ay pinakamasugid na tagapagtanggol ng uring panginoong maylupa. Ang kasalukuyang Santo Papa na si Pope Francis ay may mga progresibong pahayag. Sa artikulo na isinulat ng Trotskyistang John Malvar na may pamagat na “Communist Party of the Philippines embraces Catholicism,” inatake nito ang pahayag ng Interim NDFP Chairperson Julie De Lima kung saan may paratang na “ hindi ipinaglalaban ang interes ng uring manggagawa, kundi ang burgesya, na pinagtitibay pa nito ang religious beliefs ng masa, at kinikilalang pwersang mapagpalaya ang simbahan.” Akusasyon nito na “It has subordinated the interests of workers to the needs of the Catholic Church.” Ano po ang masasabi ninyo dito? Papaano po wastong pakikitunguhan ang Simbahang Katoliko sa pangkahalatan at sa Santo Papa na pumoposturang progresibo sa partikular?

JMS: Bilang institusyon sa kasaysayan at sa kasalukuyang lipunan ng Pilipinas, may pananagutan ang Simbahang Katoliko Romano sa pagiging kasangkapan ng kolonyalismo, malapit sa reasksyonaryong estado at sa mapagsamantalang mga uri at may katangian ding malaking komprador at panginoong maylupa. Malaking investor ang Simbahang ito sa Bank of the Philippine Islands.

Sa kabila nito, hindi matatawaran ang inspirasyon ng Gomburza at mga Aglipayano sa sambayanang Pilipino. Marami mga pari at madre ang lumahok sa rebolusyong Pilipino sa nakaraan at sa kasalukuyan. Malaki ang papel ng Christians for National Liberation sa National Democratic Front of the Philippines sa pagtangkilik sa bagong demokratikong rebolusyon, sa pagpapabagsak sa pasistang diktadurang Marcos at pagtataguyod sa mga karapatang tao at makatarungang kapayapaan hanggang ngayon, laban sa tiraniya ni Duterte.

Magmula dekadang 1960, nagkaroon ng pagbabago sa patakaran ng Simbahang Katoliko alinsunod sa modernong konstitusyon nito. Nagtataguyod ng ekumenismo hanggang sa diyalogo at kooperasyon sa mga di-nanampalataya. May mabuting impluwensiya ng teolohiya ng pagpapalaya sa mga Katoliko at iba pang Kristiyano sa Pilipinas.

Malisyoso itong Trotskyistang John Malvar sa pagsasabi na porke pinuri sa seminar ng interim chairperson ng NDFP Negotiating Panel ang mabubuting salita ng Papa Francis at mabubuting kilos ng mga Katolikong obispo, pari at madre at iba pang Kristiyano tungkol sa mga karapatang tao at makatarungang kapayapaan ang CPP ay nagbitiw na sa materyalistang pananaw at mga rebolusyonaryong prinsipyo at yumakap na sa lahat ng doktrina at kilos ng Simbahang Katoliko.

Walang ininaiba itong John Malvar kay Joseph Scalice sa pagbabalasubas at pambabaluktot. Hindi nila naiintindihan ang ibig sabihin ng malawak na alyansa sa larangan ng pulitika. Lagi nilang sinasabi na kapag may alyado ang CPP ay nagbibitiw na ito sa integridad , independensya at inisyatiba at sumusuko na ito sa pilosopiya, pulitika at ekonomikong interes ng kaalyado. Sektarista ang mga Trotskyista. Gusto nilang ma-isolate o mahiwalay ang uring manggagawa sa malawak na masa.

  1. Matindi po ang pagtaas ng presyo ng bilihin, partikular sa presyo ng baboy at patuloy na sumisirit ang inflation rate sa pangkahalatan? Ano po ang makakalutas sa mga problemang ito?

JMS: Unang hakbang ang sipain sa kapangyarihan si Duterte. Pero hindi pa ito sapat dahil walang garantiya na masusugpo ang implasyon at korupsyon sa loob ng naghaharing sistema. Kailangan ang rebolusyon para palitan ang buong sistema.

Sobrang-sobra na ang pagkasira ng agrikultura at pagkabansot ng industrya ng Pilipinas, kawalan ng trabaho, kakulangan ng kita ng mga anakpawis at pangungutang ng gobyerno sa loob at labas ng bansa. Sa gayon, may implasyon dahil kulang ang bansa sa produksyon at kulang ang pondo para umangkat ng mga pangangailangan, tulad ng bigas at karne.

  1. Sa ilang probinsya sa kanayunan, mas lumalaganap daw ang paggamit ng makinarya sa produksyon, tulad ng ‘reaper’, na nagdudulot ng higit na disempleyo sa hanay ng manggagawang bukid dahil ito daw ang ginagamit sa pag-ani ng palay. Ano po ang maaaring gawing hakbang ng mga manggagawang bukid upang pigilan ito? Sa sosyalistang lipunan, mahalaga ang mekanisasyon ng agrikultura. Pero sa konteksto ng lipunang MKMP, mas nakakasama ang ganitong mga teknolohiya. Magagamit ba ng uring maralitang magsasaka ang teknolohiya sa kanyang benepisyo habang nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa?

JMS: Ang reaper, traktor at iba pang makinarya ay angkat mula sa ibang bansa. Kapag dumami ang paggamit nito ibig lang sabihin na maraming manggagawang bukid ang mawawalan ng hanapbuhay dahil wala namang pag-unlad ng lokal na industriya na sasalo sa surplas na populasyon sa kanayunan.

Sa gayon, dumarami ang lutang na mga tao na walang regular na trabaho sa kanayunan at sa kalunsuran. Lumalawak ang diskontento at lumalakas ang tunguhing magrebolusyon. Hindi natin maipagbabawal ang paggamit ng makinarya sa agrikultura. Dapat labanan natin ang reaksyonaryong gobyerno dahil sa paghaharang nito sa sariling industriyal na pag-unlad ng Pilipinas.

Kaiba sa sistemang sosyalista, ang mekanisasyon sa agrikultura ay bunga ng industriyalisasyon. At mga posibleng mawawalan ng trabaho sa kanayunan dahil sa mekanisasyon, nakakakuha ng trabaho sa lumalaking industriyalisasyon sa sosyalistang ekonomiya.

  1. Namatay na po ang Marcos crony na si Danding Cojuangco. Ano na po ang magiging kalagayan ng mga hasyendang pagmamayari niya at sa usapin ng coco levy?mas magkakaroon ba sila ng pag-asa na pagtagumpayan ang kanilang pakikibaka?

JMS: Ang higit sa 25 asyenda at iba pang kayamanan ni Danding Cojuangco ay paghahatihatian lamang ng kanyang mga tagapagmana. At ang coco levy ay matagal nang pinaglokohan nina Cojuangco, Duterte, Calida at Korte Suprema. Gumawa sila ng mga paraan para ipagkait ang coco levy fund sa mga coconut farmers.

  1. Si Duterte ay tinaguriang Massacre King. Sa lahat ng pangulong nagsidaan. Si Duterte na ba ang pinakamalupit sa magsasaka?

JMS: Si Duterte ay tunay na massacre king. Daig niya ang documentadong record ni Marcos na higit sa tatlong libong pinaslang sa mas matagal nitong paghahari. Si Duterte ay mahigit 33 libong pinaslang na mga taong itinuring na mga drug suspect at ilandaang mga aktibista ng manggagawa, magsasaka, kabataan, at kababaihan. Ito ay 11 ulit na mas marami sa pinaslang ni Marcos.

Dahil sa umano’y anti-terrorist law, may lisenya si Duterte at mga armadong alipuris niya na pumaslang ng mas marami pa. Nagtataka lang ako kung bakit hanggang ngayon, kaunti o halos wala pang ganti sa mga halimaw, laluna sa mga pinakamasama sa kanila Pero hindi ako magtataka kapag sa kalaunan magkakaroon ng malakihang ganti o hustisya para sa mga biktima nila.

  1. Ano po ang masasabi ninyo sa mga nakaambang pagtakbo ni Sara Duterte sa pagkapangulo. Nakailang pahayag na si Duterte na hindi niya patatakbuhin ang kaniyang anak.

JMS: Umaarte lang si Duterte na ayaw niyang tumakbo ang anak niyang si Sara. Ganyan din ang helehele ni Duterte noong 2015. Si Sara mismo ay umaarte ring ayaw niyang tumakbo pero bumabaha na ang tarpaulin na “run, sara, run”.
Hindi pa ganap na binibitiwan ni Duterte ang balak niya tungkol sa pasistang diktadura sa pamamagitan ng charter change, fake federalism at pseudo-revolutionary government. Pero reserba niya ang presidential run ni Sara para mapanatili ang kanyang diktadura at dinastiya.###

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

NDLine online: On revisionism

Revisionism is the systematic revision of and deviation from Marxism

On internationalism

The history of the international communist movement can be told by spelling out the outcome of the Manifesto of the Communist Party

Tungkol sa Partido Komunista ng Tsina

Si Mao ang pinakapursigido sa pagkilos sa hanay ng mga magsasaka dahil sa nakakaraming Tsino ay mga magsasaka na walang lupa

Keynote speech to the video conference to celebrate the 48th anniversary of NDFP

The NDFP’s most important role in the democratic revolution is to arouse, organize and mobilize

Joma says Duterte confessed to being a traitor in latest address

Duterte said it is China that is in possession of the territory and that Filipinos could only go there to fish meekly.

Duterte confesses to being a traitor

It is not true that the only option there is for the Philippines is to go to war with China in order to assert sovereignty

Must read

NDLine online: On revisionism

Revisionism is the systematic revision of and deviation from Marxism

On internationalism

The history of the international communist movement can be told by spelling out the outcome of the Manifesto of the Communist Party

You might also likeRELATED
Recommended to you