WritingsArticles & SpeechesANG IMPERYALISMO SA NGAYON AT MGA EPEKTO NITO...

ANG IMPERYALISMO SA NGAYON AT MGA EPEKTO NITO SA MAMAMAYAN

-

Talumpati sa Porum ng mga Lider, Kasapi  at Alyado
ng Bagong Alyansang Makabayan-Gitnang Luson
Pebrero 8, 2014

ni  Prop . Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle

Mga Kababayan at mga Kaibigan,

Nagpapasalamat ako sa inyong paanyayang magsalita sa inyong porum.  Salamat din na itinaon ninyo ito sa aking kaarawan.  Nagpapaabot ako ng marubdob na pagbati ng pakikiisa sa inyo at pagnanais na magkamit kayo ng malalaking tagumpay sa inyong anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka.

Tatalakayin ko ang katayuan ng imperyalismo at mga epekto nito sa mga mamamayan ng daigdig hanggang sa Pilipinas at sa inyong rehiyon.

1. Katayuan ng Imperyalismo sa Ngayon

Ibig sabihin ng imperyalismo ay monopolyo kapitalismo. Ito ang huling yugto sa pag-unlad ng kapitalismo.  Sa yugtong ito, ibayong mapagsamantala at mapang-api ang kapitalismo sa mga anakpawis sa mga bansang imperyalista at mga di-maunlad na bansa sa ikatlong daigdig.  Dumadalas at  lalong nagiging grabe ang pagsulpot ng krisis sa labis na produksyon at  sa krisis ng labis na akumulasyon ng kapítal sa kamay ng monopolyo burgesiya, laluna ng pinansiyal na oligarkya nito.

Papatindi rin ang kontradiksyon ng mga bansang imperyalista at nauuwi sa mga guerra ang agawan nila ng teritoryong pangekonomya, tulad ng pinagmumulan ng  murang paggawa at mga murang hilaw na sangkap, mga palengke at larangan ng pamumuhunan at mga saklaw ng impluwensiya.  Sa ngayon, pilit na umiiwas pa rin ang mga imperyalista sa tuwirang guerra sa pagitan nila, nagkakaisa sila sa pagsasamantala sa mga atrasadong bansa at pagpasa ng pasanin ng krisis sa kanila at inuudyukan nila ang mga gera sibil at gerang lokal and rehiyonal  sa mga bansang di-maunlad.

Mula sa pagbulusok ng pinansiya noong 2008, tumagal  at  sumidhi .ang krisis ng sistemang kapitalista ng US at ng daigdig.  Hindi natatanaw ang katapusan ng krisis dahil sa patuloy na pagkapit ng mga bansang imperyalista at monopolyo burgesiya sa patakarang neoliberal sa ekonomya.  Ito ang nagpapalarga  sa mabilis na paghuthot ng tubo mula sa proseso ng produksyon at mabilis na akumulasyon ng kapítal mula sa proseso ng pinansyal na kapitalismo.

Sa ilalim ng patakarang neoliberal, ginagamit ng mga kapitalista ang estado para pababain ang antas ng pasahod sa lahat ng paraan.  Sa gayon, madalas mangyari ang krisis ng labis na produksyon na mas grabe kaysa sa nakaraan.  Subalit ipínapalagay ng mga monopolyo na ang pagtumal ng ekonomya ay nalulunasan ng pagpapalaki ng agos ng pera at pautang.

Binibigyan ang monopolyo burgesya ng lisensya na mag-akumula ng kapital sa pamamagitan ng mga eksemsyon sa buwis, mga kontrata ng saplay sa estado, liberalisasyon ng pamumuhunan, kalakalan at pinansya, pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado, deregularisasyon ng anumang batas na nagbibigay proteksyon sa paggawa, lipunan at kapaligiran at denasyonalisasyon ng mga di-maunlad at dependyenteng mga ekonomya.

Ang pinabilis na akumulasyon ng produktibo at pinansiyal na kapital sa kamay ng monopolyo-burgesya  at ng oligarkya-pinansyal nito (mga bankero) ay nagbunga ng krisis ng labis ng akumulasyon ng kapital at pinalala at pinalalim nito ang krisis ng labis na produksyon sa pagpapalubha ng desempleo,  karukhaan at malaking agwat ng kita ng isang por syento at 99 por syento ng populasyon.

Sa ngayon, isang porsyento ng populasyon ang nagmamay-ari ng USD 110 trilyon at  85 katao lamang ang nagmamay-ari ng katumbas ng pag-aari ng mahirap na kalahati ng sangkatauhan.  Sa paglala ng krsis, hindi nagagalaw ang kayamanan ng mayayaman kundi pondo ng gobyerno ang ginagamit para isalba ang mga pinakamalaking bangko at korporasyon at para pasiglahin muli ang mga pamilihang pampinansiya at hindi sa produsyon. Kaya, nananatiling matumal ang  produksyon  at malaki ang desempleyo.

Sa mga bansang imperyalista, nananatili ang monopolyo burgesya  sa pagsasagawa  ng malupit na makauring paglaban sa proletaryado sa pamamagitan ng lahat na paraang marahas at mapanlinlang upang pigilin o ilihis ang proletaryado sa marapat na isagawa nitong makauring  paglaban sa monopolyo burgesiya.  Gayunpaman, ang mga lumulubhang  kondisyon ng krisis ang nagtutulak sa proletaryado (kasama ang  kabataan, kababaihan, iba’t ibang komunidad at iba pang mamamayan) na maglunsad ng mga pakikibakang anti-imperyalista at  demokratiko para sa mga kagyat na interes, para salungatin ang kapítalistang sistema ng pagsasamantala at pang-aapi at para ipaglaban ang sosyalismo.

Layunin ng mga mamamayan na makalaya sa salot ng desempleyo, kahirapan, kawalan ng tahanan, pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo sosyal.  Galit sila na ginagamit ang mga pondo ng publiko  para isalba ang malalaking bangko, busugin ang mga korporasyong industriyal-militar at pataasin ang gastos para sa militar samantalang ipinagkakait ang pondo para sa mga pinakatuwirang paraan ng paglikha ng trabaho at paglalaan ng mga serbisyo sosyal. Sawang-sawa na sila sa mga dominanteng partido ng burgesiya na nag-uunahan sa panlinlinlang sa kanila at  pagpapanatili sa naghaharing sistema.

Tinatangka ng mga kapangyarihang imperyalista na panatilihin ang kanilang pagkakaisa at ipasa ang pasaninin ng krisis sa mga anakpawis at mga bansang di-maunlad.  Sila ang pinagmumulan ng krisis at sila mismo ay malubhang tinatamaan ng krisis.  Litaw na pabulusok ang kanilang ekonomya  at  tinamaan sila ng  krisis ng gobyerno sa pangungutang.  Patuloy na nag-uudyok ng mga gera ang krisis ng pandaigdigang sistema kapitalista.  Itinutulak nito ang mga kapangyarihang imperyalista na magbangayan tungkol sa mga isyu sa ekonomya, kalakalan, pinansya, pulitika at militarya.  Umiigting ang kanilang salungatan para hatiin muli ang daigdig.

Nang naging ganap ang panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina at Rusya,  tuwang-tuwa ang mga imperyalistang kapangyarihan na pinangunguhan ng US. Ipinangalandakan nilang walang ibang hantungan ang kasaysayan kundi ang kapitalismo at patay na ang sosyalismo. Subalit ngayon ipinapalagay na nila na pinasikip ng Tsina at Rusya ang espasyo para sa global na dominasyon ng dating tatlong sentro ng global na kapitalismo: ang US, European Union at Hapon.

Nababagabag sila, lalo ang US, na banta sa kanilang dominasyon ang kapitalistang pagsulong ng Tsina at Rusya, ang  mga  pananaliksik at paggawa ng sandata ng mga ito at ang pormasyon ng BRICS bilang bloke sa ekonomya at ng Shanghai Cooperation Organization bilang blokeng militar.  Garapal na isinasagawa ng US  ang tinagurian nitong “strategic pivot” sa Silangang Asya at  paglulunsad ng Trans-Pacific Partnership Agreement sa pakay na hamunin at harangan ang Tsina.

Epekto ng Imperyalismo sa Pilipinas

Pinalulubha ng  patakarang neoliberal at ng krisis ng pandaigidigang sistema kapitalista ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilpinas.  Dumadausdos ang halaga ng mga iniluluwas nitong  mga hilaw na sangkap at malamanupaktura; samantalang mabilis na tumataas ang gastos sa pag-angkat ng mga manupaktura, langis at iba pang batayang kalakal.  Lumalaki ang depisit sa kalakalan at nagbubunga ito ng lumalaking panlabas na utang.

Linalambungan ng global na depresyon ang ekonomya ng Pilipinas at lalo itong pabulusok.  Palaki ang desempleyo at bagsak ang kita ng mga anakpawis pati ng mga nasa gitnang saray, samantalang tumataas ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo.  Walang tigil ang pagtaas ng upa sa bahay at bayad sa elektrisidad, tubig at pasahe.  Dumarami ang mga kabataang hindi nakakapag-aral dahil sa taas ng matrikula.  Kapag mahirap ka at may sakit, hindi ka tatanggapin ng ospital at hindi ka makakabili ng gamot. Lumalawak at tumitindi ang karukhaan sa mga lungsod at nayon.

Ang mga dayuhang korporasyon at mga malaking komprador at asendero nagtatamasa ng mga eksemsyon sa buwis sa kung anu-anong dahilan,  nakakaiwas sa pinaliit na buwis at nakakaiwas nang lubusan sa buwis sa pagluwas at pag-angkat ng mga kalakal.  Ilinalagay sa mga bangko sa labas ng bansa ang mga kita ng komprador at mga kurakot ng mga burukrata kapítalista.  Ang kalakhan ng buwis na pumapasok sa gobyerno ay galing sa buwis ng mga manggagawa at sa buwis na bahagi na sa presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo.

Laging kulang ang nakukulektang buwis ng gobyerno para tustusan ang operasyon ng mga sangay at departamento nito dahil sa labis na malaki ang  ginagastos sa militar, kinukurakot ng mga burukrata at ibinabayad sa dating inutang ng gobyerno.  And depisit sa badyet laging lumalaki at kung gayon lumalaki rin ang pangungutang ng gobyerno.  Suklam na suklam ang sambayanan ngayon sa mga nalalantad na pagnanakaw sa pamamagitan ng pork barrel, pagtanggap ng suhol at pagpapabaya ng rehimeng Aquino sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, pati mga biktima ng superbagyong Yolanda.

Patuloy na walang pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa.  Ang ipinapalabas na pag-unlad ng ekonomya  ay ang pagpapabilis ng pag-agaw ng lupa at pandarambong sa likas na yaman.  Isinasagawa ito ng mga korporasyon sa minahan, plantasyon at trosohan. Sa kalunsuran, itinuturing na pag-unlad ang paspas na pagtatayo ng matataas na gusali para sa mga mayaman at mga business call center.  Parang lobo na malapit nang pumutok ang mga pautang sa pagtatayo at pagbebenta ng mga condos.

Bagamat namemeligro dahil sa krisis at gulo sa daigdig, malaking bagay pa rin ang kinikita ng mga migranteng manggagawa.  Gayunman, hindi ginagamit ang perang ito sa pagtatayo ng mga industriya.  Kinakamkam ng mga malaking komprador na bangko, ng mga may ari ng mga shopping mall at ng mga bulok na burukrata ang kinitang foreign exchange para sa pamimili ng luho  o pagtatabi ng pera sa labas ng bansa.  Ang sinasabi ng rehimeng Aquino na pagtaas ng tantos sa paglaki ng ekonomya ay boladas lamang. Pinalilitaw na batayan ng paglaki ng ekonomya ang gastos ng gobyerno, ang konsumerismo ng mayayayman at ang tinaguriang hot money (portfolio investments) na pasok-labas sa pamilihan ng sapi, bono at pera.

Dahil sa malubhang sosyo-ekonomikong krisis, lalong sumasama ang krisis pampulitika ng naghaharing sistema. Buking na ang pakay ng US at mga naghaharing uri na palitawing  malinis at mahusay sa pamamahala si Aquino para maging mabisa sa pagpapasidhi sa kontrarebolusyon.  Naging maliwanag na si Aquino at pamilya niya bilang mga garapal na mapagsamantala at manunupil para mapanatili ang pagkapit nila sa Hacienda Luisita. Tumindi ang mga bangayan ng mga reaksyonaryong pulitiko dahil sa paghantad ng mga pangungurakot sa pamamagitan ng pork barrel.  Galit na galit ang sambayanan dahil sa pagnanakaw sa limpak-limpak na salapi mula kabang bayan.

Tiyak na lalakas ang kilusang masa para sa pagpapatalsik sa rehimeng Aquino.  Itinatakwil ng sambayanan ang rehimeng ito bilang papet ng imperyalismong US.  Kasuklam-suklam ang pagiging mapagsamantala, korap, malupit at sinungaling ng rehimeng ito.  Sunod-sunuran lang  ito sa patakarang neoliberal sa ekonomya na pataw ng US para lalo pang huthutan ang sambayanan.  Tuta rin ng US ang rehimen sa pagpapakawala sa Oplan Bayanihan para supilin ang rebolusyonaryong kilusan ng masa at labagin ang mga karapatang tao. Garapal na taksil sa bayan ang rehimen sa pagpapaunlak sa US na sakupin muli ng pwersang militar nito ang Pilipinas at labagin ang pambansang soberaniya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

Lalong lumalaban ang sambayanang Pilipino para sa kanilang pambansa at demokratikong  mga karapatan at interes dahil sa tumitinding pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng rehimeng US-Aquino.  Lalong  tumataba ang kalupaan para sa demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng digmang bayan.  Ayon sa pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas, naisasakatuparan ng mga pwersang rebolusyonaryo at mamamayan ang balak na isulong ang digmang bayan mula estratehikong depensibo tungo sa estratehikong pagkapatas.

Kasama sa balak ng pagsulong ang pagpaparami ng  kasapiang ng Partido hanggang 250,000, ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan hanggang 25,000, ang mga larangang gerilya hanggang 200 at ang kasapian ng  mga organisasyong masa at saklaw ng mga lokal na organo ng kapangyariahng pampulitika hanggang sa mas marami pang milyon.  Sa pagsulong, umaasa ang mga pwersang rebolusyonaryo at mamamayan sa kasalukuyang lakas nila at ibayong pagsisikap nilang lumakas pa lalo habang lumulubha ang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng global na sistemang kapitalista.###

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government

In the course of GRP-NDFP peace negotiations in Norway , Jose Maria Sison meets and talks with Prime Minister Kyell Magne Bondevik of the Royal Norwegian Government.

Jose Maria Sison receives the Southeast Asia WRITE Award

The literary award is considered the most prestigious in Southeast Asia. The awardees are nominated by national writers' organizations

BOOKS BY PROF. JOSE MARIA SISON, 1961-2022

Since 1961, more than 50 books written by Jose Maria Sison have been published in English, Filipino and other languages. The books listed hereunder chronologically are mostly available from libraries of major Philippine, US and West European universities, Popular Bookstore in Manila and NDFP International Information Office in Utrecht, The Netherlands.

Decision on the petition for proscription against the CPP-NPA as terrorist organizations filed by the DOJ on 21 Feb 2018 with the RTC branch...

The Program of the CPP which is also synonymous with “Plan of Action”, can be construed as the respondent organizations’ “purpose for being,” or the very reasons for its establishment. A perusal of the foregoing Program, consisting of lofty ideals readily shows that the CPP-NPA is organized or exists, not for the purpose engaging in terrorism.

Must read

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Bio-data of Jose Maria Sison as public figure

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

Jose Maria Sison talks and meets with Philippine presidents

You might also likeRELATED
Recommended to you